Dear Atty. Acosta,
AKO PO at ang aking asawa ay ikinasal sa Singapore. Iniulat po namin sa Philippine Embassy ang aming kasal. Pero noong nagsuri kami sa National Statistics Office ay wala raw rekord ang aming kasal. Hindi naging maganda ang pagsasama namin. Nadiskubre ko po na ang asawa ko ay isang talamak na sugarol, babaero at sinungaling. Kung minsan ay harap-harapan pa niyang ipinapakita na may babae siya. Lahat po ng ipon ko ay nilustay niya lang sa sugal. Puno po ng kasinungalingan at panloloko ang aming labindalawang taong pagsasama. Lagi po niya akong pinagsasalitaan ng masasama. Pero lahat po ng ito ay tiniis ko. Ano po ang gagawin ko para tuluyan ko na siyang mahiwalayan? Natatakot po ako na nilustay niya lahat ng ipon ko sa kanyang pambababae at pagsusugal. Gusto ko na rin po na hindi na gamitin ang apelyido niya. Ano po ba ang dapat kong gawin para magamit muli ang aking apelyido?
Marilyn
Dear Marilyn,
UNA SA lahat, nais naming sabihin na ang kasal mo sa iyong asawa sa Singapore ay may bisa rito sa Pilipinas kung ito ay may bisa sa Singapore, kahit pa hindi kayo nakakuha ng rekord sa National Statistics Office (NSO). Ito ay dahil ang kasal na idinaos sa ibang bansa ay magkakaroon ng bisa rito sa Pilipinas kapag ito ay may bisa sa bansa kung saan ito idinaos. (Article 26, Family Code).
Kung nais mong maging legal ang paghihiwalay ninyong mag-asawa, iminumungkahi namin na magsampa ka ng petition for legal separation. Sa legal separation, papayagan ng korte na hindi na magsama ang mag-asawa kapag may basehan ang petisyon. Hindi mapapawalang-bisa ang ugnayan ng kasal kapag legal separation lang ang isinampa sa korte. Samantala kung nais mo naman na tuluyang mapawalang-bisa ang inyong kasal, ang dapat mong isampa ay petition for declaration of nullity of marriage o petition for annulment.
Sa iyong isinalaysay, maaaring may basehan ka kung magsasampa ka ng petition for legal separation. Isa sa mga basehan ng legal separation ayon sa Artikulo 55 ay ang “sexual infidelity or perversion”. Walang malinaw na kahulugan ang sexual infidelity or perversion bilang ground sa legal separation. Ngunit ang pakikipagtalik sa taong hindi mo asawa ay maaaring maging dahilan ng korte para magbaba ng utos ayon sa nabanggit na basehan. Kapag ipinagkaloob ng korte ang kahilingan mo sa petititon for legal separation, ipag-uutos din ng korte ang paghihiwalay ng ari-arian ninyong mag-asawa (Section 63 [2], Family Code of the Philippines).
Kung nais mo namang mapawalang-bisa ang iyong kasal, maaari kang magsampa ng petition for declaration of nullity of marriage. Base sa Artikulo 36 ng Family Code. Ayon sa Artikulo 36, ang kasal ay maaaring mapawalang-bisa kung ang isa o parehong mag-asawa ay psychologically incapacitated para gampanan ang kanya o kanilang mga obligasyon sa kabiyak at pamilya. Ang psychological incapacity ay dapat taglay na ng kabiyak bago pa ang kasal kahit na ang mga sintomas nito ay lumabas lang pagkatapos ng kasal. Ito ay dapat na malala at tanging dahilan para hindi matugunan ng kabiyak ang kanyang mga obligasyon sa kanyang asawa. Sa iyong salaysay, ang ipinakita ng iyong asawa na pambababae, pagsusugal at pagbibitaw ng masasakit na salita sa iyo ay maaaring sintomas ng psychological incapacity. Tungkol naman sa ari-arian ninyong mag-asawa, maaari mong hingiin sa korte ang paghihiwalay ng ari-arian ninyong mag-asawa
Samantala, maaari mong gamitin ang apelyido mo sa pagkadalaga kahit na may asawa ka na. Ayon sa Artikulo 370 ng Civil Code, ang Pilipinang kasal ay maaaring gamitin ang alinman sa mga sumusunod:
1. Pangalan niya at apelyido sa pagkadalaga at ang apelyido ng kanyang asawa, o
2. Pangalan niya at ang apelyido ng kanyang asawa,o
3. Buong pangalan ng asawa niya na may dagdag na “Mrs.” sa unahan
Samakatuwid, hindi obligado ang mga babaeng may asawa na gamitin ang apelyido ng kanilang asawa dahil ang salitang ginamit ng batas natin ay “may”. Ngunit kapag gagamitin ng babaeng may asawa ang kanyang apelyido sa pagkadalaga, kinakailangan niyang banggitin na siya ay kasal na at ang paggamit niya sa kanyang apelyido ay hindi niya ginawa para makapanlinlang ng iba. (Yasin v. Judge, Shari’a District Court, 241 SCRA 606, 23 February 1995)
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta