Dear Atty. Acosta,
NALAMAN KO po na kasal na ang aking asawa sa ibang babae bago pa niya ako pinakasalan noong 1992. Nakakuha po ako ng kopya ng kanilang marriage certificate sa NSO at ayon dito, sila ay ikinasal noong 1990. Sa kasalukuyan ay muli na po silang nagsasama ng kanyang unang asawa. Ngayon po ay nag-a-apply ako ng passport upang makapunta sa ibang bansa upang magtrabaho. Maaari ko po bang ilagay sa aking application na ako ay single at muling gamitin ang apelyido ko noong ako ay dalaga pa?
Mrs. Zeny
Dear Mrs. Zeny,
ANG PAGPAPAKASAL ng higit sa isang beses ay hindi pinapayagan sa ating bansa maliban na lamang ang ating mga kapatid na Muslim kung saan sila ay maaaring magpakasal ng higit sa isang beses kung ang lahat ng kanilang maybahay ay kanilang mabibigyan ng pantay-pantay na panahon at pagtrato. Kung ang iyong asawa ay hindi kabilang sa ating mga kapatid na may paniniwalang Islam, hindi siya maaaring magpakasal habang siya ay nasasailalim na sa isang legal at may bisang kasal. Samakatuwid, ang inyong kasal ay maituturing na bigamous dahil nauna nang nagpakasal ang iyong asawa noong 1990 bago ka pa niya pinakasalan noong 1992. Ayon sa Article 35 ng Family Code of the Philippines, ang mga ganitong uri ng kasal ay isa sa mga itinuturing na mga walang bisa sa simula pa lamang ng kasal:
Art. 35. The following marriages shall be void from the beginning:
xxx
(4) Those bigamous or polygamous marriages not failing under Article 41;
xxx
Gayunpaman, hindi ka maaaring magdesisyon sa iyong sarili lamang na ikaw ay isang single na upang muling magamit ang iyong apelyido noong ikaw ay dalaga pa. Tanging ang ating hukuman lamang ang makapagbibigay ng desisyon na ang inyong kasal ay walang bisa sa simula pa lamang. Upang maisagawa ito, kailangan mong maghain ng Petition for Declaration of Nullity of Marriage sa Family Court, o kung wala nito, sa Regional Trial Court ng lugar kung saan ka o ang iyong asawa kasalukuyang naninirahan. Kapag pinaboran ng hukuman ang iyong petisyon, madedeklara na bilang walang bisa ang inyong kasal, muli kang babalik sa estado ng isang walang asawa at maaari na muling magamit ang apelyido noong ikaw ay dalaga pa.
Nawa ay nasagot namin nang lubusan ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta