Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO sanang magpakasal ulit ngunit kasal ako sa una kong asawa. Kami po ay mahigit 6 na taon nang hiwalay at may isang anak. Siya po ay nasa aking pangangalaga. Ang asawa ko po ay may kinakasama nang iba at may isang anak na po sila ngayon.
Ang tanong ko po ay may chance po ba akong ikasal muli? Wala po akong sapat na pera para mapawalang-bisa ang aming kasal, ano po ba ang dapat kong gawin?
Aries
Dear Aries,
ANG BALAKIN mong pagpapakasal muli ay hindi maaaring maisakatuparan hanggang nananatiling may bisa ang iyong kasal sa iyong asawa. Kahit na kayo ay matagal nang hiwalay at sumama sa ibang lalaki ang iyong asawa, nananatiling may bisa ang inyong kasal.
Subalit hindi ito nangangahulugan na wala kang magagawang legal na kaparaanan upang mapawalang-bisa ang inyong kasal. Maituturing natin na ang ginawang pag-iwan o pag-abandona ng iyong asawa sa inyong mag-ama at ang pagsama niya sa ibang lalaki ay nagpapakita na siya ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang kakulangan sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama ng tapat, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa. Ang isang kasal ay walang-bisa kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay mayroon ganitong kalagayan. (Article 36, Family Code of the Philippines)
Patungkol naman sa iyong katanungan kung ano ang dapat mong gawin para mapawalang-bisa ang iyong kasal sa iyong asawa, ikaw ay maaaring maghain ng petisyon sa korte para ideklarang walang-bisa ang iyong kasal o kaya ng “Petition for Declaration of Nullity of Marriage”. Ang pag-abandona sa iyo ng iyong asawa at ang pagsama niya sa ibang lalaki ay isang indikasyon na siya ay dumaranas ng “psychological incapacity”. Hindi niya natupad ang kanyang obligasyong maging tapat sa iyo. Maaari mo itong gamitin upang kumbinsihin ang korte para ideklarang walang-bisa ang iyong kasal. Bukod pa rito, maaari mo ring hingin ang opinyon ng isang dalubhasa, katulad ng isang Psychiatrist o Psychologist, patungkol sa kalagayan ng pag-iisip ng iyong asawa. Ang opinyon ng nasabing dalubhasa ay kailangang maiprisinta sa hukuman upang lalong makumbinsi ang korte na ang pagkukulang ng iyong asawa para gampanan ang kanyang obligasyon bilang taong may asawa ay nag-ugat sa sikolohikal na problema.
Kakailanganin mo ang serbisyo ng isang abogado para sa paghahain ng nasabing petisyon. Kung ikaw ay walang kakayanang kumuha ng isang pribadong abogado, ang aming tanggapan ay bukas upang ikaw ay matulungan sa iyong petisyon, basta ikaw ay kuwalipikado na maging kliyente ng aming tanggapan.
Nawa ay naliwanagan ka sa opinyong ito.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta