NAGPAKASAL AKO SA isang Pinoy ilang taon na rin ang nakalipas. Nang umuwi po siya galing sa ibang bansa, napagkasun-duan naming ipa-annul ang aming kasal at ngayon po ay annulled na iyon. Ngunit bago pa po maibaba ang approval, nagpakasal ako sa isang foreigner at hanggang ngayon ay nagsasama kami. Alam ko na null and void ang kasal ko sa foreigner. Kailangan po bang ipawalang-bisa ko rin saka kami magpakasal uli o hindi po ba nakasama na iyon sa annulment case namin ng una kong napangasawa?
Ano po ba ang dapat kong gawin? Anu-ano ang papeles na kakailanganin ko at saan ako mag-uumpisa ng proseso?
Salamat po. Angelita
TAMA KAYO NANG nabanggit ninyo sa inyong salaysay na walang bisa o “null and void” ang inyong pangalawang kasal sa “foreigner” na hanggang ngayon ay inyong kinakasama. Ito ay sa kadahilanang nang nagpakasal kayo sa nasabing “foreigner” ay hindi pa naibababa ng korte ang desisyon sa petisyon para sa pagpapawalang bisa o sa pagdeklara na walang bisa sa inyong kasal sa inyong unang asawa. Ayon sa batas, ang isang taong nauna nang ikinasal sa iba ay kinakailangang kumuha ng pahintulot ng korte bago muling magpa-kasal. Kung wala pang deklarasyon ang korte na nagsasaad na wala ngang bisa ang naunang kasal ngunit nagpakasal nang muli, ang pangalawang kasal ay wala ring bisa sa mata ng batas (Article 40, Family Code). Ayon pa rin sa nabanggit na batas, ipinagbabawal na magpakasal nang pangalawang beses sa magkaibang tao habang may bisa pa ang naunang kasal at ang pangalawang kasal ay itinuturing ng batas na walang bisa mula sa simula o “void ab initio” [Article 35(4), Family Code].
Kung nais ninyong kilalanin ng batas ang inyong kasal sa “foreigner” na inyong kinakasama ngayon, kailangan kayong muling magpakasal. Ngunit mas mainam na bago ninyo ito gawin, maglagak kayo ng petisyon sa korte upang madeklarang wala ngang bisa mula sa simula ang inyong naging kasal. Kapag nagkaroon na ng deklarasyon ang korte tungkol dito, maaari na kayong magpakasal muli at ito ay kikilalanin na ng batas.
Upang masimulan ang prosesong pagpapadeklarang walang bisa ang inyong kasal, kinakailangan ninyo ang tulong at serbisyo ng isang abogado sa paggawa at paglagak ng kaukulang petisyon at pagharap sa mga pagdinig sa korte. Kinakailangan rin ninyong ipresinta sa korte ang inyong mga ebidensiya na wala ngang bisa ang inyong naunang kasal. Kabilang sa mga dokumentong dapat ninyong ipresinta ay ang desisyon ng korte ukol sa pagpapawalang-bisa ng inyong kasal sa inyong unang asawa at ang “Marriage Certificate” ninyo at ng pangalawang ninyong asawa. Samakatuwid, kapag inyong napatunayan sa harap ng husgado na kayo ay nagpakasal ng pangalawang beses nang hindi pa naibababa ang desisyon na nagpapawalang bisa sa inyong unang kasal, walang rason kung bakit hindi magbibigay ng deklarasyon ang korte na walang bisa mula sa simula ang inyong pangalawang kasal.
Atorni First
By Atorni Acosta