Kasalanan ni Kuya Wali

BAHAGYANG NATABUNAN ang isyu ng katiwalian sa pork barrel nang lumabas ang isang kontrobersya na mas pumukaw sa interes ng taong-bayan. Napanood sa internet ang isang video umano ng komedyanteng si Wally Bayola habang nakikipagtalik sa isang dancer na kasama rin niya sa programang Eat Bulaga. Bago pa ito, naging maiinit din ang sex videos ng sikat na singer na si Chito Miranda ng bandang Parokya ni Edgar at ang nakuhanang pakikipagtalik umano ng isang piskal sa isang batang abogada na topnotcher pa sa Bar Exam.

SA KABILA ng bagong batas na naglalayong ipagbawal ang pagkuha at pagpapakalat ng mga sex videos, malayang naipapasa at nailalagay sa internet ang mga nabanggit na malalaswang sex scandal. Ang labis na nakalulungkot, kahit mismong mga menor de edad ay may pagkakataong mapanood ang mga nasabing sex video, sadya man o hindi, dahil sa madalas nilang paggamit sa Internet. Hindi malayo ang sitwasyon na habang nagsasaliksik ang isang batang estudyante tungkol sa donuts para sa kanilang cooking class, bigla na lamang tatambad sa kanya ang sex video ni Wally Bayola na tinatawag na ng iba ngayon bilang “Bavarian Cream Scandal”. Bagamat tila ba nakatatawa, seryoso ang pagkasirang maaaring idulot nito sa ating kabataan. Sa ating lahat bilang isang lipunan.

ANG REPUBLIC Act No. 9995, na mas kilala sa tawag na “Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009”, ang batas na naglalayon na sugpuin ang malisyoso na pagkuha ng mga malalaswang litrato at video. Ipinagbabawal din ng batas ang pagpapakalat, pagkopya, at paglalagay sa Internet ng mga nasabing malalaswang litrato at video. Ang parusa sa paglabag sa batas na ito ay umaabot hanggang sa pitong taon na pagkabilanggo.

MALINAW RIN sa batas na kahit may nauna nang pahintulot sa pagkuha ng video ang magkapareha na nagtatalik, kapag ang video na ito ay kinopya papunta sa computer, o ipinasa sa ibang tao, o inilagay sa Internet, maparurusahan ang tao na gumawa nito, kahit na pumayag pa na makuhanan ng video ang kanyang kapareha noong sila ay nagtatalik. Sa madaling sabi, kahit may parehong pahintulot sina Wally Bayola at ang kanyang kapareha sa pagkuha ng nasabing video, kapag napatunayan na ang isa sa kanila ang gumawa ng kopya at naglipat ng video papunta sa kanyang computer o sa Internet, nagkaroon na ng paglabag sa batas.

HINDI MAITATANGGI na maganda ang layunin ng batas na sugpuin ang kultura ng pamboboso o “voyeurism” na madaling nang naisakatutuparan ngayon sa pamamagitan ng Internet. Sa kasamaang-palad, hindi sapat ang batas. Malalim na ang ugat ng kultura ng voyeurism sa ating lipunan. Habang kinokondena ng lahat ang pagkalat ng mga sex scandal, nandyan pa rin ang mga palabas sa telebisyon ng mga tinatawag umano na “Reality TV”.

HABANG NAKAKULONG sa isang bahay, pinalalabas sa telebisyon ang mga kuha ng pagliligawan, paliligo, pagtulog at iba pang mga eksena na karaniwang pribado para sa mga tao. Malinaw na ang intensyon ng mga programa na ito ay ang bumenta sa pamamagitan ng pambusog sa hilig ng mga manood na makakita ng mga eksena sa buhay ng ibang tao na kadalasan ay tago sa kanilang mga mata. Hangga’t mas importante sa mga Pilipino kung paano nagsisipilyo at nagmumumog sina Kim Chiu at Melai Cantiveros kaysa sa kung magkano na ang minimum wage, hindi malulupig ang kultura ng voyeurism sa ating lipunan. Patuloy na nanaisin ng mga tao na mapanood ang kanilang kapwa habang gumagawa ng mga bagay na kadalasan ay pribado. Hindi kasalanan ni Chito, hindi kasalanan ni Wally.

NAALALA KO tuloy ang isang pelikula. Habang nakikipagtalik ang isang lalaki sa isang maganda babae, namboboso naman ang kanyang mga kasamahan sa labas ng kuwarto. Nagulat na lamang ang lalaki nang marinig ang sigaw ng mga kasama na, “Kuya Wali, Kuya Wali”, na tila ba may tinatawag. Lubos na nagtaka ang lalaki dahil hindi naman Wali ang pangalan niya. Nang lumabas siya para kausapin ang mga kasama para tanungin kung ano ‘yung Wali, sinagot siya ng mga ito, “wali, ang baliktad n’yan eh ilaw, buksan mo ‘yung ilaw kasi madilim at hindi namin makita.”

Kasalanan pala ni Kuya Wali.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articleJoem Bascon, payag mag-frontal nudity sa pelikula
Next articleNakasama sa show ang kumanta ng Gwiyomi
Teejay Marquez, na-starstruck sa Korean singer na si Hari

No posts to display