0908966xxxx – Kuya Raffy, ako po ay isang concerned citizen ng Dasmariñas, Cavite City. Mayroon po kasing isang kasambahay rito sa amin na ikinulong ng walang warrant of arrest. Noong February 18, 2012, nagkaroon ng party ang kanyang amo na aming kapit-bahay na kung saan siya ay namamasukan. Nagkaroon po ng nakawan at ibinintang lahat sa katulong ang lahat ng nawawalang pera at kagamitan. Ito po ay ipinakulong ng kanyang amo. Ang masakit pa po rito, sinaktan ng mga pulis ng Dasmariñas, Cavite ang kawawang kasambahay. Siya po ay sinakal at sinampal para paaminin sa kasalanang hindi niya ginawa. Hanggang ngayon po ay nasa kulungan pa ito dahil walang pampiyansa. Wala po siyang malapit na kamag-anak dito sa Maynila. Sana po, Kuya Raffy, ay matulungan ninyo si Regina Selinel, 25 yrs. old na tubong-Zamboanga City. Siya po ay biktima lamang ng pagkakataon. Mabigyan po sana ninyo ng pansin ang suliranin ng taong ito. Salamat po.
0921613xxxx – Mr. Raffy Tulfo, nais ko pong isumbong ang paghuli sa akin ng isang enforcer na nakatakip ang mukha at ayaw magpakilala pero suot ang kanyang uniporme. Hindi po siya deputize na manghuli ng mga motorista. Nang ako po ay pumalag sa kadahilanang hindi tama ang mga violation na kanyang sinasabi, ipinasa po niya ako sa isa niyang kasamahan na awtorisadong
manghuli. Ang pangalan po ng enforcer ay si Jonathan Caguia ng MMDA. Sana naman po ay huwag nilang gamitin ang kanilang uniporme para manindak ng mga inosenteng tao. Sana po ay mabigyan ninyo ng aksyon ang bagay na ito. Maraming salamat po.
0908622xxxx – Idol Raffy, gusto ko pong humingi ng tulong sa pamamagitan ng inyong programa. Ang mga pulis po rito sa lugar ng Alabang ay mapang-abuso sa kapangyarihan. Meron pong isang mobil patrol na mayroong body number 516 na palaging nakapuwesto sa lugar na ito. Itong mga pulis na ito ay sobra kung mangikil. Kapag po ito nangingikil, hindi po ito nakukuntento sa barya-barya lang. Humihirit pa po ito na parang may mga patago. Hindi po nila alintana ang mga taong nakakakita sa kanilang ginagawang pagmamalabis. Hindi po sila marunong mahiya. Tulad na lamang po ng isang jeep na pampasahero na kanilang pinatabi at pilit nila itong hiningan ng limang daang piso. Sana po ay magawan ninyo ng paraan ang problemang ito. God bless you always Idol.
0907340xxxx – Mr. Tulfo, sana po ay matulungan ninyo kami sa aming problema tungkol sa eskuwelahang pinapasukan ng aming mga anak. Ang pangalan po ng eskuwelahang ito ay ang Muntinlupa Elementary School sa Poblacion South Ville. Ang lahat po ng estudyante sa grade 6 ay obligadong kumuha ng anim na pirasong bingo card na nagkakahalaga ng limampung piso bawat isa. Ito raw po ay utos ng pinuno ng nasabing eskuwelahan. Sana po ay maipahatid ninyo ito sa ahensiya ng DepEd para matigil na ang mga kalokohan ng mga ito. Umaasa po kami na mabibigyan ninyo ng solusyon ang aming problema. Maraming maraming salamat po. Mabuhay po kayo!
Ang inyong mga sumbong ay masosolusyunan at mapapakingan sa programang WANTED SA RADYO 12:30-2:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes at 2-4pm tuwing Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo