ANG BAKAL ay isang simbulo ng katatagan at tibay. Dito inihalintulad ni US President Barack Obama ang pagkakaibigan at relasyon ng Pilipinas at Amerika. Isang “iron clad” at “unbreakable”, ito ang mga terminong ginamit ni Obama para bigyang-katangian ang relasyong Pilipinas at US.
Hindi kahoy o bato, kundi bakal ang piniling hambingan ng pinakamakapangyarihang tao sa mundo, marahil dahil ito sa pagtitiyak ng pagbigay seguridad ng US sa Pilipinas kung sakaling maging marahas ang sitwasyon sa agawan ng teritoryo sa mga isla sa South China Sea o kilala rin natin sa tawag na West Philippine Sea.
Malalim nga raw ang pagkakaibigan ng Pilipinas at US na nagmula pa sa panahon ng pananakop ng Spain. May mga American historians na nagsasabi na ang Amerika noon ay may malinis na intensyon sa pagtulong sa Pilipinas para makalaya ito sa pananakop at kalupitan ng Spain na tumagal sa loob ng mahigit 300 taon.
Naging bahagi lamang ng proseso sa pagpapalaya at pagbibigay kasarinlan sa Pilipinas ang pagpapatakbo sa bansa ng America para maturuan ang mga “little brown brother” na tumayo sa sarili nitong mga paa sa pamamagitan ng Commonwealth government o isang transitory government.
Nagkataon lamang na inabot at nadamay ang Pilipinas sa World War 2 na sinalihan naman ng Amerika noon. Kaya matapos ang pandaigdigang digmaang ito ay ipinagkaloob na sa Pilipinas ang kasarinlan nito noong July 4, 1946 kung saan si President Manuel Roxas ang tumayong lider ng bansa.
Sa pagpunta ni Obama ngayon sa Pilipinas dahil sa APEC, binisita rin niya ang Philippine Navy at ang Gregorio Del Pilar battle ship na galing sa US Navy. Dito sinabi ni Obama na hindi nila pababayaan ang Pilipinas sa isyu ng agawan ng isla at sa ginagawang panggigipit ng China sa atin.
Dito niya ipinangakong dadagdagan pa niya ang mga battle ships ng US na tutulong sa Philippine Navy na mag-patrol sa mga teritoryong tubig ng Pilipinas. Mas paiigtingin din ang pagsasanay sa AFP ng mga US Marines para maging handa sila sa posibleng digmaan dulot ng agawan sa isla.
HINDI MAIKAKAILA na may banta ng posibleng digmaan ang pag-aagawan sa mga isla sa Spratly. Ang China na mismo ang nagsabi na maaaring pagsimulan ng digmaan ang isyu ng agawan sa teritoryo lalo’t nakikialam ang United Nations (UN) at US. Maaalala nating nagpakita na ang U.S. ng kanilang tapang at lakas ng maglayag ang kanilang hukbong dagat sa mga islang pinag-aawayan.
Sa APEC naman ngayon, kahit wala sa agenda ang usapin ng agawan sa teritoryo sa South China Sea, iginigiit ni Obama na dapat talakayin ito, kasabay ang kanyang pananaw na dapat nang itigil ng China ang ginagawa nitong reclamation sa mga pinag-aagawang teritoryo.
Malaking dagok na ang nangyari para sa mga mangingisdang Pilipino simula nang itaboy sila sa mga parteng dagat na dati na nilang pinangingisdaan. Ang mas higit na dagok ay sa buong mamamayang Pilipino dahil hindi natin ngayon nalalaman kung saan na umabot ang pagsisiyasat ng China sa yamang dagat ng West Philippine Sea.
Bago pa sinimulan ng China ang pananakop sa mga isla at karagatan natin ay may ginagawa na tayong paghahanap ng natural na yaman sa mga lugar na ‘yan. Maganda ang resulta ng paghahanap na ito dahil may mga nakita nang langis at iba pang natural na yaman dito. Ngayon ay hindi na natin magawa ito dahil pinipigilan tayo ng China na ituloy ang natural resource expedition na ito.
KUNG IBABASE sa tinatawag nilang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at mga tagubilin ng International Law, maliwanag na pag-aari ng Pilipinas ang mga teritoryong sinakop at tinayuan ng mga artipisyal na isla ng China. Kaya naman sa huling ganap ng UN Tribunal na dumidinig ng kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China, nakapuntos ang Pilipinas sa naging desisyon nito na may jurisdiction ang UN sa usaping agawan ng teritoryo.
Sa loob ng matagal na panahon ay ang mapa ng Pilipinas, na sumusunod sa UNCLOS, ang kinikilala ng international community bilang basehan ng pag-aari ng mga teritoryo sa karagatan. Ngayon na lamang naging problema ang agawan sa teritoryo dahil sa historical basis na kinikilala ng China o ang tinatawag nilang “9-dash line”.
Maliwanag na dalawang magkaibang pananaw ito na hindi kumikilala ng iisang batas. Kaya naman isang pulitikal na problema ito. Kahit na ano pa mang maging resulta ng UN Tribunal hearing ay tiyak na hindi ito kikilalanin ng China. Sa aspetong ito magiging mahalaga ang pagkakaibigan ng US at Pilipinas, at ang pangakong tulong ng US sa atin.
Makabubuting malinaw ang pangako ni Obama at binabanggit din niya ito sa harap ng international community dahil ito ang magiging sandigan ng Pilipinas para umasa sa kanilang tulong at sukatan ng ibang bansa sa sinseridad ng US na tumulong sa mga inaaping maliliit na bansa sa South East Asian Countries (ASEAN).
Ang paghahayag na ito ng US ay malaking bagay hindi lamang sa Pilipinas, kundi para mawala na rin ang agam-agam ng mga maliliit na bansa sa isyu ng pambu-bully ng China sa mga malilit na bansa. Mensahe rin ito sa China na may nagkakaisang bansa at isang makapangyarihang bansa na handang ipagtanggol ang mga naaapi.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo