Dear Atty. Acosta,
NAIS KO PONG itanong kung ano pong kaso ang maaari kong isampa laban sa a-king asawa na nambababae at pinapabayaan kami ng mga anak ko. Nabalitaan ko rin po na buntis iyong babae niya. Sinubukan ko pong ilapit sa barangay ngunit wala silang ginawang aksyon sa reklamo ko. Puwede ko bang isama sa reklamo ang babae? Dalawang beses ko na po silang nahuli na nagtatagpo sila. At bukod sa akin ay may iba pang nakakita sa kanila. Saan po ba ako dapat unang magsampa ng kaso sa asawa ko kung saan ako ay hindi na gagastos? Ito ay sa kadahilanang wala akong sapat na pera para panggastos dito.
Gumagalang,
Miss Fhaye
Dear Miss Fhaye,
AYON SA IYO, ang iyong asawa ay nambababae at pinababayaan kayong mag-iina. Kaugnay nito, gusto mong malaman kung anong kaso ang maaari mong isampa laban sa iyong asawa.
Maaari mong sampahan ng kasong Concubinage ang iyong asawa dahil sa kanyang pambababae, kung ang iyong asawa ay nag-uuwi at itinitira ang ibang babae sa loob ng inyong conjugal dwelling, o nakikipagtalik dito under scandalous circumstances, o may binabahay siyang babae sa ibang lugar ayon sa Artikulo 334 ng Revised Penal Code. Kung wala ang mga nabanggit na pagkakataon sa Artikulo 334 sa kaso ng iyong asawa, hindi mo siya maaaring sampahan ng kasong Concubinage. Ang pagiging buntis ng babae ng iyong asawa ay hindi sapat na ebidensiya na ang iyong asawa ay lumalabag sa batas sapagkat maaari niyang itanggi na siya ang ama nito. Gayunpaman, maaari kang maglikom ng iba pang ebidensiya upang tuluyan mo nang masampahan ng kasong Concubinage ang iyong asawa at ang kanyang babae alinsunod sa Artikulo 334 ng Revised Penal Code. Ang babae ng iyong asawa ay kasamang sasampahan ng kaso alinsunod sa Seksyon 5 ng Revised Rules of Criminal Procedure datapwa’t hindi siya makukulong sa pagkakataong sila ay mapatunayang nagkasala. Ang parusang ipinapataw sa babaeng nakikisama sa lalaking may-asawa ay destierro lamang. (Last paragraph, Article 334, Revised Penal Code) Ibig sabihin nito ay hindi makakalapit ang nasabing babae sa lugar na nakalagay sa desisyon ng hukuman.
Sa kabilang banda, kung hindi mo mapapatunayan o wala kang sapat na ebidensiya na ginagawa ng iyong asawa ang krimen na Concubinage, sa halip nito ay maaari mo lamang siyang kasuhan ng Violation of Republic Act No. 9262 o mas kilala sa tawag na The Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, sa pagpapabaya niya sa inyong mag-iina niya lalo na kung ito ay ang hindi pagbibigay ng sustentong pinansyal. Sa pagkakataong ito, hindi mo na maisasama sa kaso ang kanyang babae.
Ang parehong kasong nabanggit sa itaas ay kinakailangan mong isampa sa piskalya. Para sa kasong Concubinage, kinakailangang maisampa ito sa piskalya sa lugar kung saan nagsasama ang iyong asawa at ang kanyang babae. Para sa kasong Violation of Republic Act No. 9262 naman, maaari mo itong isampa sa piskalya sa lugar, kung saan ikaw ay naninirahan.
Sa pagsasampa ng anuman sa nasabing kaso ay kinakailangan mo ng abogado. Kung ikaw ay walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado, maaari kang sumadya sa District Office ng aming Tanggapan, Public Attorney’s Office, na kalimitang matatagpuan sa Municipal or City Hall o sa Hall of Justice sa inyong lugar.
ANG “PUBLIC ATORNI”, isang reality mediation coverage ng TV5, ay inyong mapapanood kada Huwebes ng gabi pagkatapos ng “Aksyon Journalismo”.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta