Kaso ng adultery

Dear Atty. Acosta,

AKO PO ay isang kawani ng gobyerno na may asawa at anak. Tatlong taon na kaming hiwalay ng asawa ko at sila ay nakatira sa aking biyenan. Nakakasama ko lamang ang anak ko tuwing Sabado at Linggo. Kasalukuyang may iba nang kasintahan ang asawa ko, at ako naman ay walong buwang buntis sa dati kong naging kasintahan. Hindi kami nagsasama ng dati kong kasintahan at ang totoo ay gusto ko lamang magkaroon ng anak. Sa ngayon ay naghihintay na lamang ako ng reklamo mula sa asawa ko. Ang sabi kasi sa akin ng mga kakilala ko ay ang asawa ko lamang daw ang maaaring magsampa ng reklamo laban sa akin, bagaman patuloy akong sinisiraan ng biyenan ko.

Ang gusto kong malaman ay kung mayroon ba akong karapatan na hindi sabihin kung sino ang ama ng aking ipinagbubuntis? Sa lugar namin nakatira ang ama ng dinadala ko at naaawa ako sa kanya dahil nadadamay siya sa paninirang ginagawa ng biyenan ko. Sana po ay matulungan niyo ako.

Maraming Salamat,

Myra

 

Dear Myra,

BAGAMAN HINDI na kayo nagsasama ng iyong asawa, mayroon pa rin kayong obligasyon sa isa’t isa na manatiling matapat at nagmamahalan habang may bisa pa ang inyong kasal. Ang obligasyong ito ay hindi humihinto o tumitigil sa paghihiwalay ninyong mag-asawa.

Sa iyong kasalukuyang sitwasyon, ikaw lamang ang makapagsasabi ng totoong katauhan ng ama ng batang iyong dinadala. Kung hindi mo nanaisin na ipaalam

kung sino ang ama ng iyong dinadala, ang iyong magiging anak ay kikilalanin bilang lehitimong anak ng iyong asawa sapagkat ayon sa ating batas, “Children conceived or born during the marriage of the parents are legitimate. x x x” (Article 164, Family Code of the Philippines) Ang probisyon ng batas na ito ay nagbibigay ng konsiderasyon sa magiging kapakanan ng bata at kung ano ang higit na makakabuti sa kanya.

Subalit hindi ibig sabihin nito na wala nang karapatan ang iyong asawa na kwestiyunin ang legitimacy ng nasabing bata matapos na siya ay maisilang, lalo na kung walang paraan o posibilidad upang siya ang maging biological na ama ng nasabing bata. Siya ay binibigyan din ng proteksyon ng ating batas upang hindi papanagutin at hindi mapwersa na akuin ang responsibilidad ng pagpapalaki at pag-aalaga ng batang hindi naman niya kadugo. Ayon sa Artikulo 166 ng Family Code:

“Legitimacy of the child may be impugned only on the following grounds: (1) That it was physically impossible for the husband to have sexual intercourse with his wife within the first 120 days of the 300 days which immediately preceded the birth of the child because of: (a) the physical incapacity of the husband to have sexual intercourse with his wife; (b) the fact that the husband and wife were living separately in such a way that sexual intercourse was not possible; x x x

Maliban sa pagbatikos sa katauhan ng iyong magi-ging anak, maaari ka ring sampahan ng reklamo ng iyong asawa para sa krimeng adultery kung mapapatunayan niya na ikaw ay nakipagtalik sa isang lalaki bagaman alam niya na ikaw ay isang babaeng may-asawa na. (Artikulo 333, Revised Penal Code) Tama ang nasabi sa iyo ng iyong mga kakilala na ang asawa mo lamang ang maaaring magsampa ng reklamo laban sa iyo sapagkat ang kasong adultery ay itinuturing bilang isang private crime na kung saan ang asawang pinagtaksilan lamang ang may karapatan na magsampa ng kaso laban sa kanyang asawang nagtaksil. Ayon sa Artikulo 344 ng Revised Penal Code, “The crimes of adultery and concubinage shall not be prosecuted except upon the complaint filed by the offended spouse.” Kung kaya’t nasa sa iyong asawa ang desisyon kung nais ka ba niyang papanagutin sa batas para sa nasabing krimen.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong mga katanungan. Nais lamang po naming bigyang-diin na ang aming opinyon ay base lamang sa inyong mga nai-salaysay. Maaaring magbago ang aming opinyon kung mababago ang mga datos na inyong ilalahad sa amin.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleMensahe kay Jacinta
Next articleSadistang Guro!

No posts to display