“Parang teleserye ang kuwento nila. Puwede ngang ipalabas sa SOCO. Sensational case ito. ‘Yung story puwedeng gawing movie,” paunang pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng muling pagbubukas ng kaso ng nasawing movie producer/ businessman na si Mr. Antonio Antonio ng Vintage Entertainment Productions ilang taon na ang nakalipas.
Maaalalang ang movie productions ni Mr. Antonio ang gumawa ng pelikulang “Kalabit” nina Ara Mina, Raymond Bagatsing, at Carlos Morales.
Magkasabay ngang humarap sa piling working press kasama ni Atty. Ferdinand Topacio ang dalawang anak ng yumaong movie producer/ businessman na sina Xialin at Vladimir Antonio na patuloy na humihingi ng katarungan sa pagkamatay ng kanilang ama na diumano’y sarili nilang kapatid ang bumaril. Hanggang ngayon ay nagtatago at pinaghahanap ng batas ang salarin.
Bagamat nu’ng September 11, 2013 pa pumanaw ang kanilang ama, sumulat sila sa NBI sa pamamagitan ni Atty. Topacio nu’ng May 31, 2016 para muling imbestigahan ang kaso, dahil may development at diumano’y may criminal conspiracy.
Nakikiusap din sila na bigyan ng kaukulang atensyon at tutukan ang pagkamatay ng kanilang mahal na ama nang sa ganu’n ay makamit nila ang hustisya at maparusahan ang taong may kagagawan nito.
John’s Point
by John Fontanilla