Kaso ng Paninirang-puri

Dear Atty. Acosta,

 

AKO PO ay masugid na tagasubaybay ng inyong mga column, nais ko lang po na magtanong hinggil sa kasong aming isasampa sa isang kagawad sa aming barangay. Nagkaroon po kami ng pagtatalo sa labas ng aming bahay at bigla pong nagsisigaw ang naturang kagawad na kami raw ay “magnanakaw”. Nagnakaw raw po kami ng halagang 1 milyong piso sa aming pinagtratrabahuhan, kaya po ang ginawa namin ay nagharap kami ng reklamo sa tanggapan ng aming barangay. Nagkaroon po ng pagdinig sa lupon at Brgy. Captain hinggil sa aming sumbong. Sa unang patawag ng barangay ay nagkaharap kami ng naturang kagawad at sinabi niya na wala raw siyang isinigaw na kami ay magnanakaw at walang pagkakasundong nangyari sa pagitan namin. Nagkaroon po ulit ng pangalawang patawag sa naturang kagawad ngunit hindi na ito sumulpot sa aming pangalawang paghaharap hanggang sa dumating ang pangatlo at pang-apat ngunit walang kagawad na dumating. Sa katunayan kami ay nabigyan ng certificate upang mag-file ng action sa korte ng aming barangay. Anong kaso po ang maaari naming isampa laban sa kagawad na ito? Nahihirapan ang aming kalooban sa kadahilanang maraming nakarinig ng kanyang pagsigaw ng magnanakaw sa amin nang walang katibayan, kahit na ang aming apat na mga anak ay ayaw nang pumasok sa school dahil tinatanong daw sila ng mga classmates nila na magnanakaw raw ba talaga kami at naging usap-usapan kami sa loob at labas ng aming barangay. Nais po naming maibalik ang dangal at pagkatao namin sa pamamagitan ng pagdulog sa korte.

 

Lubos na gumagalang,

Anonymous

 

Dear Anonymous,

 

ANG GINAWANG pagsigaw sa inyo ng “magnanakaw” at pag-akusa sa inyo ng pagnanakaw ng isang (1) milyong piso sa harap ng maraming tao ng kagawad ay itinuturing ng batas na paninirang-puri o oral defamation. Ayon sa batas, ang paninirang-puri ay may dalawang klase, simple o grave oral defamation, na parehong may kaakibat na parusang pagkakakulong. Kung simple oral defamation lamang ang nangyari, maaaring makulong ang gumawa ng nasabing krimen nang mula isa (1) hanggang tatlumpung (30) araw o maaaring pagbayarin ang gumawa ng fine na hindi hihigit sa halagang dalawang daang piso (P200.00). Kung grave oral defamation naman ang nangyari, ang pagkakakulong na maaaring ipataw ng hukuman ay hindi bababa sa apat (4) na buwan at isang (1) araw at hindi hihigit sa dalawang (2) taon at apat (4) na buwan. (Art. 358, Revised Penal Code of the Philippines)

Ayon sa Korte Suprema, maraming kailangang tingnan sa isang kaso upang mapag-alaman kung ang paninirang-puri ay maituturing na simple lamang o grave. Ang ilan sa mga ito ay ang mismong mga salitang binitawan, ang mga pangyayari bago maganap ang paninirang-puri, ang oras, lugar at ugnayan ng mga partido. Ang mga ito dapat ay suriin upang tunay na malaman ang lebel ng paninirang puring nagawa. (Criminal Law Conspectus, Florenz D. Regalado, First Edition, p. 653, citing People vs. Galito)

Sa inyong pagsampa ng kaukulang reklamo laban sa inyong nabanggit na kagawad, kinakailangan na magsumite kayo sa piskalya ng inyong sinumpaang salaysay kung saan inyong ilalahad ang mga pangyayari. Mas mainam din na gumawa ng kanilang sariling sinumpaang salaysay ang inyong mga testigo kung saan kanilang patotohanan ang inyong mga nailahad sa inyong sinumpaang salaysay at kung saan kanila ring ilalahad ang kanilang mga nakita at narinig na pumapatungkol sa pangyayari na pakay ng inyong reklamo.

Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag. Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleGaano nga ba tayo kahanda sa sinasabing The Big One?
Next articleInit Sa Magdamag

No posts to display