KASALUKUYANG MAY NILULUTONG transaction ang grupo ng dating alkalde ng Pasay City at ang ilang kurakot na mga taga-Ombudsman.
Ito ang isiniwalat ng ating “tawiwit” ukol sa kasong isinampa ni Mr. Rogelio Estrella laban kina dating Pasay City acting Mayor Allan Panaligan, dating acting City Administrator Atty. Santiago Quial, dating OIC Treasurer Ofelia Oliva at Gilbert Yu, ang presidente ng Young Builders Construction Corporation.
Ang insidente ay naganap noong Mayo 4, 2007 o 9 na araw bago ang halalan noong Mayo 14, 2007, kung saan ang mga akusado ay nagtulung-tulong na ilabas sa kaha ng Pasay City government ang halagang P45 milyon at ibinayad daw kay Mr. Yu bilang “mobilization fund” (kalahati ng 15%) para sa pagtatayo ng bagong Pasay City Hall sa reclamation area, na nagkakahalaga ng P600 M.
Dahil sa maliwanag na paglabag sa batas (Omnibus Election Code), kaya noong Agosto 14, 2009, matapos makumpleto ang mga ebidensiya ay pormal na nagsampa ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman si Mr. Rogelio Estrella.
Simula noon ay wala nang balita si Estrella, hanggang noong Marso 30, 2011 ay kinalampag nito sa pamamagitan ng isang sulat ang Ombudsman.
Dahil dito, noong Abril 2, 2011 ay nagpadala ng communication ang Ombudsman sa mga respondent na sila ay mag-submit ng kanilang “counter affidavit”.
Parekoy, lo and behold, hindi na kalakip ang orihinal na complaint ni Mr. Rogelio Estrella!
Lumalabas na ang complainant na mismo ay isang “Ombudsman field investigator” Liwayway Sumang.
Ilang “tawiwit” ang nag-text sa atin na sadyang hindi na inilagay ni Sumang ang pangalan ng orihinal na complainant na si Rogelio Estrella para madali nilang maluto (ililigwak) ang kaso kung maibi-gay ng mga respondent ang P2 milyong hinihingi raw ng ilang kurakot sa Ombudsman!
Babantayan natin, parekoy, ang kasong ito. Pramis!
Abangan ninyo sa Miyerkules.
INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09152121303.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303