Kaso sa Tsekeng Walang Pondo

Dear Atty. Acosta,

MERON PO akong inuta-ngang tao at nagpapatubo ng 10% monthly at bilang guarranty ay nag-issue po ako ng checks pero sa ‘di inaasahang pangyayari ito ay hindi ko napondohan. Nakipag-usap na po ako sa kanya na huhulugan ko na lamang dahil sa kami ay dumaranas ng krisis ngayon. Pero lagi pa rin niya akong tinatakot na idedemanda. Makukulong po ba ako dahil dito, kahit nagbabayad ako sa kanila paunti-unti? Criminal case po ba iyon o civil? Ano po ba ang dapat kong gawin para hindi na umabot sa hindi maganda ang lahat?

Soledad

Dear Soledad,

ANG HINDI mo pagdedeposito ng pondo para sa tsekeng iyong ibinigay bilang garantiya sa iyong utang ay magiging sanhi ng pagtalbog nito sa oras na ito ay ipapapalit o ipa-encash sa bangko. Kung ganito ang mangyayari, maaari kang ireklamo sa paglabag sa Batas Pambansa Bilang 22 (BP 22), ito ay isang kasong kriminal. Ipinagbabawal ng nasabing batas ang pag-iisyu ng talbog na tseke. Itinatakda rin ng batas na ito ang karam-patang kaparusahan na pagkakulong at/o multa ng sinumang lalabag dito.

Ganun pa man, kung ang nasabing tseke ay ipina-encash o pinapalitan sa bangko pagkaraan ng siyamnapung (90) araw, mula sa petsang nakalagay rito, hindi na saklaw ng nasabing batas ang transaksyong ito. Samakatuwid, hindi na mapaparusahan ang taong nag-isyu ng tseke sa sandaling ito ay tumalbog, kung ito ay hindi ipina-encash sa loob ng nasabing panahon. Subalit, hindi naman ito nangangahulugan na wala na siyang obligasyong bayaran ang halagang nakalagay sa nasabing tseke.

Kung ganito ang iyong sitwasyon, maaari ka pa ring masampahan ng kaso, subalit ito ay kasong sibil na lamang para obligahin ka ng korte na bayaran ang iyong utang. Kung ito ay ginagawa mo na, maaaring maging walang saysay ang paghahain ng kasong sibil sa korte sapagkat ikaw ay nagbabayad naman na.

Sa kabilang banda, kung ang tseke ay napasuklian sa loob ng nasabing panahon at ito ay tumalbog, maaari kang sampahan ng kasong kriminal sa paglabag sa BP 22. Sa sandaling ito ay maisampa na sa korte, itinuturing ng batas na ang sibil na aspeto nito ay kasama na ring naisasampa.

Kaugnay nito, mas makakabuti pa ring ipagpatuloy mo lamang ang iyong pagbabayad sa taong nagpautang sa iyo hanggang ito ay mabayaran mo na at makiusap na huwag ka nang sampahan ng kaso.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBawal Umihi Dito
Next articlePlants vs. Halimaw ng Kapulisan

No posts to display