Kaso vs. Vice mayor Isko Moreno

NARARAPAT LAMANG ANG ginawa ni dating Mayor Lito Atienza na pagsampa ng kaso sa Ombudsman laban sa grupo ng mga opisyal ng Maynila.

Ang nasabing asunto ay nag-ugat sa isang “ordinansa” na ipinasa ng konseho ng Maynila na nagbibigay “exemption” sa Smart Communications upang hindi na magbayad ang nasabing higanteng kumpanya ng “local franchise taxes” at “real property taxes” sa kanilang machinery at equipments.

Matatandaan na ang isyung ito ay paulit-ulit nating isinulat sa ating mga nakalipas na kolum at halos araw-araw ay binatikos natin ito sa ating programa sa radio, ALARMA KINSE TRENTA (6-7 am, Lunes hanggang Biyernes sa DZME 1530 kHz).

Sa totoo lang, hindi natin masisisi ang ating tawiwit nang sabihin nito na posibleng malaking halaga ang pinakawalan ng Smart kaya mabilis pa sa alas-kuwatro na naipasa ang pesteng ordinansa.

Biruin mo nga naman, parekoy, limpak-limpak na salapi ang kinikita ng buwisit na kumpanyang ito, tapos hindi pagbabayarin ng buwis?

Maliban pa ‘yan sa ninanakaw na milyones na load araw-araw mula sa mga subscriber!

Paano na lang ang mga proyektong pinaglalaanan dapat ng pondo mula sa nasabing buwis?

Kung sasabihin nina Vice Mayor Isko Moreno at ng kanyang mga konsehal na hindi sila nakatanggap ng “lagay” mula sa Smart, sagutin nila ang mga katanungang ito.

Sa ipinasa nilang ordinansa, ano ang magiging kapakinabangan ng Maynila at ng mga residente nito?

Sa ipinasang ordinansa, hindi ba’t ang Smart Communications lamang ang tanging makikinabang?

Kung may importansiya sa anumang paraan ang nasabing ordi-nansa, bakit ang privilege na ito ay sa Smart lamang ipinagkaloob at hindi sa Sun at Globe?

Bakit hindi muna nagsagawa ng “public hearing” bago ipinasa ang nasabing ordinansa samantalang alam naman talaga ng mga onorabol na ito na requirement ‘yan ng batas bago maipasa ang isang ordinansa?

Bakit mukhang “very urgent” ang isinagawang pagpasa ng nasabing ordinansa na hindi man lang pinagbigyan ang kahilingan ni Mayor Alfredo Lim na hintayin muna siya bago aprubahan ang nasabing ordinansa?

Para sa kaalaman ng lahat, iti-naon ang pag-apruba sa pesteng ordinansa na ‘yan ng Maynila sa panahong nasa ibang bansa si Mayor Alfredo Lim at ang nakaupo bilang acting mayor ay si Vice Ma-yor Isko Moreno (Domagoso).

Kaya nga, anumang pagtanggi ni Isko Moreno at ng mga konsehal na nakapirma ay mahihirapan silang papaniwalain ang taumbayan na walang pera na involve sa kuwestiyunableng ordinansa na ‘yan!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleSakloLaw sa OFW
Next articleLupang isinanla… balak ibenta

No posts to display