PAGKATAPOS NG pagluluksa ng bayan para sa tinaguriang “Fallen 44”, ngayon ay tila nahaharap ang Pangulong Noynoy Aquino sa isang banta ng impeachment kaugnay ng pagkapahamak ng 44 na PNP-SAF. May mga nagsasabi na isang malaking kapalpakan ang nangyari sa misyon na tinawag nilang “Oplan Wolverine” dahil sa pailalim nitong transakyon at ugnayan.
Lumalabas din ang pangalan ng suspendidong PNP Chief Director na si Gen. Alan Purisima at iniuugnay ito sa pagpaplano umano ng misyon ng “Wolverine”. Maraming haka-haka na ito sana ang gagamiting paraan ng Pangulo para bumango ang pangalan ng suspendidong heneral. Ang problema ay dahil nga pumalpak ang plano, lalong madidiin si Pangulong Aquino sa gusot na ito.
Mariin na sinabi ni Senator Miriam Defensor-Santiago na maaaring kasuhan si PNoy sa international court dahil sa pagkakapatay sa “Fallen 44”. Ito ay kung mapatutunayan na nagkaroon ng paglabag ang Pangulo sa protocol ng pamahalaan at sa pagpapatupad ng misyon. Sinabi rin ni Senate President Franklin Drilon na may pananagutan si Purisima sa insidenteng ito, kung mapatutunayang nagkaroon siya ng partisipasyon dito sa kabila ng suspensyong ipinataw sa kanya. Ano nga ba ang implikasyon ng insidenteng ito sa performance ng Pangulo? Mayroon nga bang pananagutan ang Pangulo? May balidong dahilan ba para isiping kinuntyaba ni PNoy si Purisima sa misyong tinawag na “Oplan Wolverine”?
MALAMANG AY sasadsad na naman ang performance rating ni PNoy dahil sa insidente ng pagkamatay ng “Fallen 44”. Marami kasing haka-haka na namatay ang mga ito dahil sa palpak na pagpaplano ng administrasyong Aquino. Lalo pang naging masalimuot ang lahat dahil sa hinalang si Purisima pa rin ang inatasan ng Pangulo para pamunuan ang misyong ito, sa kabila ng pagiging suspendido ng heneral sa kanyang puwesto bilang PNP Chief Director. Kung magkakataon kasing may katotohanan ang ginawang pailalim na pagpaplano at utos na ito ni PNoy, tiyak na gagamitin ito para siya ay sampahan ng impeachment.
Ang pagdidiin ni Drilon na maaaring may pananagutan si Purisima sa trahedyang nangyari, kung siya nga ay nakialam sa pagpaplano o may direktang utos sa misyon, ay pagsasangkot na rin kay Pangulong Aquino kahit pa lagi niya itong pinagtatanggol sa media. Tanging ang pangulo lang kasi ang may kakayahang pakilusin si Purisima nang patago. Kadikit dito ay ang hinalang ginawa at planado ito ni PNoy at ni Purisima para pabanguhin ang bumaho nitong imahe dahil sa isyu ng korapsyon.
Ang mga pahayag ni DILG Secretary Mar Roxas na wala itong nalalaman sa “Oplan Wolverine” ay maaaring tahiin at ikabit sa teyoryang pailalim ang pagpaplano ng PNP-SAF dahil nga si Purisima pa rin ang nanguna sa “Oplan Wolverine” at hindi ito dapat malaman ng kahit na sino, maging si Roxas man, dahil ito ay labag sa utos ng batas. Lalo pa itong nagpapatingkad sa ideya na ang “Oplan Wolverine” ay pumalpak dahil sa wala itong sapat na koordinasyon, dahil na rin sa ito ay palihim na misyon.
SA ILALAIM ng isang command responsibility ay may pananagutan ang Pangulo ng isang bansa kung ang isang misyon, gaya ng “Oplan Wolverine” ay pumalpak at maraming buhay ang nasawi. Ito naman ang paniniwala ni Santiago. Kung mapatutuyan at makikita ng Senado sa gagawin nitong imbestigasyon na may maling ginawa ang Pangulo ay sapat na ito para kasuhan sa international court si PNoy. Ang isyu ng pagiging “incompetent” na pangulo ay may pananagutan sa international court kung maikukunekta ang pagkamatay ng mga PNP-SAF sa incompetence ng pangulo sa pagdedesisyon.
Kung mapatutunayan din na naglihim ang Pangulo sa tao at gabinete nito para sa isang misyong gaya nito ay malakas na basehan ito para siya ay sampahan ng impeachment sa Kongreso. Lalabas kasi na dahil sa maling pamamaraan na ginamit ng Pangulo sa pagpapahuli sa dalawang international terrorists kaya nasayang ang 44 na buhay ng mga PNP-SAF.
Ang malamig na reaksyon ng Pangulo at ni Purisima ay nagpapakita rin ng kanilang pagkakonsiyensya, kung tunay ngang alam nila sa kanilang mga puso na sila ang responsable sa madugong kinahinatnan ng“Oplan Wolverine”.
ANG TANONG nga ng marami ay bakit hindi man lang dumalo sa burol itong si Purisma ng mga PNP-SAF, samantalang siya ang kinikilalang ama ng mga kapulisan sa buong bansa. Hindi man lang siya sumalubong sa pagdating ng mga bangkay ng 44 na bayani. Hindi rin sumilip man lang kahit minsan sa burol ng mga ito. Siya ba ay may pinagtataguan, kinakakatakutan o nakokonsensya dahil sa sinapit ng “Fallen 44”.
Gayundin naman ang pagiging malamig ni PNoy sa kanyang mga talumpati. Hindi rin siya sumalubong sa mga bayani gaya ng mainit na pagsalubong ni Obama sa mga U.S. Marines na nasawi sa ibang bansa. Hindi yata sapat ang dahilan na wala lang talaga sa schedule ng Pangulo ang pagsalubong sa “Fallen 44”. Si dating Pangulong Fidel Ramos na dumalo rin sa parehong okasyon ng pagbubukas ng isang pagawaan ng sasakyan ay nakadalo rin naman sa pagsalubong sa mga bayaning PNP-SAF.
Guilty at nakokonsiyensya kaya si PNoy at Purisima? Kayo na ang humusga.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo