PINASISIPOT SA PISKALYA ngayong 9:00 ng umaga ang komedyanteng vice-mayor ng Lungsod Quezon na si Herbert Bautista upang personal na harapin ang kasong pagnanakaw ng tarpaulin printing machine na inihain laban sa kanya ng dating kaibigan at kababata sa showbusiness na si Carlos de Leon.
Inatasan ni Assistant City Prosecutor Joselito Bacolor ng Quezon City Prosecutor’s Office ang kampo ni Bistek na harapin ang kaso ngayong araw.
Matatandaang kinasuhan ni De Leon si Bistek matapos na nakawin umano ang kanyang kagamitan sa pag-iimprenta na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.
Base sa reklamo, naganap ang krimen noong isang taon nang kunin ni Hero Bautista ang kanyang isang FY 8180 III Infiniti Printer sa loob ng kanyang Cham Advertising printing shop sa Bahay Toro, Quezon City na lingid sa kanyang kaalaman.
Nang habulin ni De Leon ang kanyang makina ay matapang na sinabi ni Hero Bautista, kapatid ng komedyanteng vice-mayor, na iyon ay utos ni Bistek at hinamon ang complainant na magdemanda na lang kung gusto niya.
“Ito ang tamang venue upang sagutin ni Bistek ang lehitimong kaso na isinampa ko laban sa kanya. Sana maging patas siya at ‘wag nang mandamay ng iba pang mga tao na walang kinalaman sa kaso,” pahayag ni De Leon.
Kabilang sa mga testigo sa kaso ang mga empleyado ng CHAM Advertising na sina Rainer Lee San Diego, 24, graphic artist; Edward Sarenas, 19, graphic artist; at Eleanor Aquino, 42, sekretarya.
Kinumpirma ng mga naturang testigo ang sabwatang pagnanakaw ng magkapatid na Bautista.
Naniniwala naman si Atty. Oliver Yuan ng Yuan and Associates Law Firm na matibay pa rin ang kaso ni De Leon kahit bumaliktad ang isa sa testigo nito laban kay Bistek na umano’y sinuhulan ng trabaho, P30,000 at pagpapagamot sa kaniyang ina na si Bernald D. Beleson kamakailan.
Posibleng makulong ang komedyanteng Vice-Mayor ng Quezon City sakaling mapatunayang guilty ito sa kaso. (Parazzi Reportorial Team)
Pinoy Parazzi News Service