Kasunduan sa paghihiwalay, may bisa ba?

Dear Atty. Acosta,

 

AKO AY hiwalay na sa asawa for 8 years. Wala pa po kaming isang taong kasal, naghiwalay na kami. Natuklasan ko po na may kinakasama siyang ibang babae at buntis ito. Nag-away po kami at dahil doon hindi na siya umuwi at hindi nagbigay ng sustento sa akin. Kaya nagpasya po ako na makipaghiwalay na sa kanya. Nagharap po kami sa barangay at nagpasyang maghiwalay na. Nagkaroon po ng kasulatan kung saan ay nakasaad ang pangalan ng babae niya at sinasabi roon na wala na kaming pakialam sa isa’t isa. Gusto ko po sanang itanong kung p’wede pong gamitin iyon para mapawalang-bisa ang kasal namin. Balak ko na kasing magpakasal muli. Ano po ba ang dapat kong gawin na hindi po ako gagastos nang malaking pera dahil kapos din po ako.

 

Froilan

 

Dear Froilan,

 

SANG-AYON SA Artikulo 1 ng Family Code of the Philippines, ang isang kasal ay isang espesyal na kasunduan na may kinalaman sa pagtitipon o pagsasama ng dalawang tao, babae at lalaki, alinsunod sa umiiral na batas para sa pagtataguyod ng pag-aasawa at pagbuo ng isang pamilya. Ito ang pundasyon ng pamilya at isang institusyong panglipunan na hindi maaaring mabuwag. Ang mga bagay patungkol sa kasal at pag-aasawa ay dapat nakaayon sa ipinag-uutos ng batas at hindi maaaring pagkasunduan ng mag-asawa, maliban na lamang sa kanilang relasyon na may kinalaman sa kanilang mga ari-arian.

Samakatuwid, ang ginawa ninyong kasunduan ng iyong asawa sa barangay ay walang bisa at hindi maaaring maging basehan upang malayang makipagrelasyon sa ibang tao ang bawat isa sa inyo. Ganoon din, tanging ang mga itinakda lamang ng batas ang maaaring gamiting dahilan upang ipawalang-bisa o ipadeklarang walang bisa ang inyong kasal.

Subalit hindi kabilang sa mga binabanggit ng batas ang paghihiwalay ng mag-asawa nang matagal at ang pakikipagrelasyon ng isa sa kanila sa ibang tao. Ganoon pa man, maaari itong gawing patunay na ang isa sa kanila ay nagtataglay ng “psychological incapacity”. Ayon sa batas, kung ang isa sa o parehong mag-asawa ay dumaranas ng “psychological incapacity” o ang depekto sa pag-iisip na nagdudulot ng kabiguang tumupad sa mga pangunahing tungkulin o obligasyon ng isang taong may asawa tulad ng pagsasama sa iisang bubong, pagmamahalan, pagtitiwala, paggalang, at pagkakaloob ng suporta sa isa’t isa ay isang sapat ng basehan para ideklarang walang bisa ang kanilang kasal (Article 36, Family Code of the Philippines).

Sapagkat ikaw ay nagnanais na makapag-asawang muli, kailangan mo munang ipadeklarang walang bisa ang iyong kasal sa iyong asawa. Kung hindi mo ito gagawin at ikaw ay mag-aasawang muli, walang bisa ang pangalawa mong pagpapakasal. Maaari ka pang panagutin sa kasong bigamya.

Sa pagpapadeklarang walang-bisa ang iyong kasal, kailangan mong maghain ng petisyon sa korte. Dahil dito, kakailanganin mo ang serbisyo ng isang abogado para tumulong sa iyo sa paggawa ng petisyon at magrepresenta sa iyo sa korte. Kung wala kang kakayahang magbayad sa abogado at ikaw ay kwalipikado, maaari kang matulungan ng Public Attorney’s Office.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleDo you feel old?
Next articleAng Industriya Ng Call Center

No posts to display