SA TAONG 2010, pinatunayan ng indie films ang pamamayagpag nito sa industriya. In fact, halos nasa 70 plus ang nai-produce na indie films last year, kasama na rito ang indie filmfests like Cinemalaya, Cinema One Originals, at Cinemanila Digital Lokal.
Samantalang ang mainstream movies, nasa 20 plus lamang. Ito ay mga films produced ng big film outfits like Star Cinema, Regal Entertainment, GMA Films, Viva Films, etc. Kasama na rin dito ang MMFFP.
Nakalulungkot isipin na talagang iba na ang panahon ngayon sa daigdig ng pelikula. Dati-rati, kada buwan ay big films ang naipapalabas ng malalaking film outfit, pero hindi na ngayon. Indie films na ang “in”, kaya nakiuso na rin ang major cinema houses like Robinsons and SM malls na may sinehan na for digital films.
Sa isang pakikipag-chikahan namin sa respetadong filmmaker na si Mario O’Hara noong Martes sa Veranda restaurant ni Allan Paule sa Roxas Blvd., naniniwala si Direk Mario na indie films daw ang future ng Philippine Cinema, pero dapat ay ayusin ng mga industry leaders ang promotion at marketing nito.
“Marketing lang ‘yan, sana ay paghusayan pa ng industry ang pagsuporta sa magagandang indie films para ma-promote sa mga tao, magbigay ng financial support ang government, na dapat ay noon pa.
“Ang ibang bansa sa Asia, naunahan na tayo as far as film industry is concerned dahil suportado sila ng kanilang pamahalaan, samantalang noong panahon nina Brocka at Bernal, ang ganda ng estado ng Pelikulang Pilipino sa buong mundo,” say ni Direk Mario.
Tanong namin kay Direk Mario, ano ang kanyang pananaw sa current state ng Pinoy films?
“Ang movies na ngayon ang extension ng television. Na dapat ay it’s other way around. Baligtad na ngayon.
“Makikita mo na rin kasi ang mga artista natin nang libre sa mga teleserye, so pag nakita mo sila sa big screen, extension na lang ‘yun ng TV. Nakakalungkot pero totoo.”
AT ANG LATEST na gagawin na Cinemalaya indie filmfest 2011 entry ni Direk Mario O’Hara sa Directors’ Showcase ay ang Henerala, life story of Gabriela Silang, isang Pinoy heroine.
Ang nasa isip niyang kunin upang gumanap na Gabriela Silang ay si Katherine Luna! Ganoon na lang ang paniniwala ni Direk Mario na maga-gampanan ni Katherine ang role na Gabriela Silang, dahil nakatrabaho na rin ang aktres sa Babae sa Breakwater na launching movie nito some years ago.
“Kaya ni Katherine ang role, parang siya lang ang puwede, mukhang mahihirapan ang iba eh,” say ni Direk Mario, bagamat wala pa naman daw finality at siya pa lang ang napupusuan niya to do the Gabriela role.
“Physical” din ang role ng bayani dahil after ma-assasinate ang asawa nitong si Diego Silang, si Gabriela ang nakipag-digmaan sa mga kalaban – sakay ang kabayo, may dalang itak – noong panahong ‘yun, 1700s, upang proteksiyunan ang bayan ng Ilocos-Abra, roots ng dalawang bayani ng bansa.
Ipapakita rin ang life story ni Gabriela, meaning, pati love life. Doon lang namin nalaman na si Gabriela pala ay anak ng isang mayamang Kastila sa kanyang labandera!
“Panahon ni President Ferdinand Marcos, nagpautos siyang gumawa ng libro on Philippine history. Nakabili ako ng books na ‘yun. Meron siguro sa UP at sa National Library natin, pero wala nang kopya noon sa ordinary libraries,” kuwento ni Direk Mario, na siya ring lumikha ng script.
Feeling namin, kung magiging kongkreto ang characterization ng role ni Gabriela Silang for Katherine, muling mapapansin ang husay nito bilang aktres.
Suwerte rin niya, dahil sa dinami-rami ng aktres sa bansa na gustong makatrabaho ang isang Mario O’Hara, siya ang napipisil.
For your reactions and feedback, please email us at [email protected]
Mellow Thoughts
by Mell Navarro