WALA NAMAN talagang duda na nangunguna ngayon sa buong showbiz ang tambalan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, kaya talagang matindi ang suportang ipinagkakatiwala sa kanilang dalawa ng ABS-CBN. Kahit itapat pa ang sangkaterbang tambalan ng mga bagets ng GMA-7 at TV5 na kahenerasyon nina Kathryn at Daniel, wala talaga silang binatbat sa kilig ng mga fans sa mga bida ng teleseryeng Go To Believe dahil ito ang kanilang panahon.
Matindi ang kasabikan ng kanilang tambalan, dahil nitong maudlot ang pagpapalabas ng kanilang teleserye sa Kapamilya Network, maraming nabitin at nagrereklamo. Hindi lang sina Kathryn at Daniel ang kinakalampag ng mga nagrereklamong mga manonood, kundi maging ang ABS mismo ay kinukulit nila kung kailan mapapanood ang kanilang bagong tambalan sa serye. Matagal pa rin naman kasi kung hihintayin nilang mapanood ang movie ng dalawa na isasali sa Metro Manila Film Festival sa December.
Winner ang tambalan nina Kathryn at Daniel, dahil maihahalintulad sila sa mga sumikat na tambalan noon nina Nora Aunor-Tirso Cruz, III, Vilma Santos-Edgar Mortiz, Sharon Cuneta-Gabby Concepcion at Maricel Soriano-William Martinez, na hindi lang talaga umikot sa mga trabaho bilang magkakapareha ang sitwasyon, kundi may kilig na sila’y panoorin, dahil nauwi sila sa pagliligawan at relasyon noon. Ganu’n din ang kilig kina Kathryn at Daniel, dahil parang nagkukutsaba lang silang huwag munang umamin, pero parang may relasyon na talaga sila. Pramis!
Sa pag-aayos nina Robin at BB Gandanghari
Mariel Rodriguez, nabunutan ng tinik sa dibdib
PARANG NABUNUTAN ng tinik sa dibdib si Mariel Rodriguez sa unti-unting naging maayos na pagtuturingan ulit bilang magkapatid nina Robin Padilla at BB Gandanghari. Sa totoo lang, kung dati-rati’y maraming tikom na mga bibig mula sa angkan ng mga Padilla tungkol sa isyu ng paglaladlad ng dating Rustom Padilla tungkol sa kabadingan, dahil mahirap pa nga iyon noon na pag-usapan, ay si Mariel ang pahapyaw na mayroong nasasabi.
“Almost two years ko rin talagang dinaan sa dasal, na sana’y maging maayos na ang lahat. Kasi, mahirap noon ang sitwasyon. Talagang nakikita ko kay Robin ‘yung hindi siya kumportable na pag-usapan ang tungkol sa isyu. Mahirap pilitin ang asawa ko kapag hindi pa talaga. Kaya talagang ‘yun ‘yong magic ng dasal, na sa tamang panahon, mayroong mga gusot na naaayos,” tsika ni Mariel.
Tama si Mariel. Kakaiba rin kasi ang pananaw ng angkan ng mga Padilla sa maraming bagay. Pagdating nga sa kabadingan, hindi katanggap-tanggap ‘yung sinabi ni Mommy Eva Cariño, na baka raw kung hindi nag-showbiz si Rustom, hindi naging ganu’n ang sitwasyon. Samantalang nasa plano pa lang ang pagpasok ni Rustom sa pag-aartista nu’ng nasa kainitan ang popularity ni Robin bilang action star, kalat na ang bulung-bulungan na ang Bad Boy ng showbiz ay may utol daw na bading. Nagpasikut-sikot nga lang si Rustom sa kanyang pagtanggi na siya’y isang gay, pero sa dulo ng kuwento ay kusa na siyang nagladlad nang bonggang-bongga.
ChorBA!
by Melchor Bautista