Palagi kong sinasabi (at pati sa panulat ko) na tuwing Wednesday na palitan ng pelikula, hangga’t maaari, gusto ko nang panoorin ang pelikula na inaabang-abangan ko.
Earlier yesterday, urong-sulong ako na panoorin ang pelikula nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na “Barcelona: A Love Untold” dahil may imbitasyon sa amin para sa isang block screening bukas (Friday) para mapanood ang pinag-uusapang pelikula ng dalawa. Might as well wait ako until tomorrow para hindi pre-empted ang panonood ko bukas ng gabi.
Isip-kete-isip. Naidlip lang saglit pagkatapos manggaling sa isang presscon at pagkagising habang naka-on ang telebisyon namin sa programang “TV Patrol” na walang katapusan ang isyu ni PDuterte vs. US, nag-decide na ako na panoorin na ang pelikula ng dalawa.
Gusto ko kasi, palagi akong nauuna sa mga kasamahan ko kapag may bagong pelikula para kapag nag-uusap-usap kami, hindi ako nahuhuli at puwedeng makisawsaw sa usapan at tsikahan.
First kong pinuntahan ang mall na malapit sa bahay. Kaso puno na hanggang sa last screening. Kaya para huwag mahuli sa last full show sa ibang sinehan, lumarga na ako patungong Cubao na lagi kong pinanonooran.
Ang ganda ng location ng pelikula. Pang-turista ang mga kinunan nilang mga eksena. Ang simbahan na disenyo ni Antoni Gaudi na La Sagrada Familia na sikat sa Barcelona (sa probinsiya ng Catalonia, Spain) na isang UNESCO World Heritage Site ay naging bahagi ng kuwento.
Fan kami ni Direk Olivia Lamasan. Tulad ng pelikula niyang “Milan” na bida sina Claudine Barretto at Piolo Pascual noon, sapol na naman ni Direk Olive ang Pinoy sa paghabi niya ng kuwento ng pag-ibig at pangarap ng mga bida at iba pang karakter sa kuwento.
Sapul sa manonood na naghahanap ng hugot ang eksena ni Ely (Daniel) na nag-uusap sila ni Mia (Kathryn) sa veranda ng apartment nila.
Ang mga mata ng binata, nangungusap. Napaarte na ni Direk Olive ang mga mata ni Daniel. Ang pamamaalam ni Mia kay Ely na uuwi na siya sa Pilipinas ay isa sa highlights na eksena naman ng dalaga.
Wagi ang “Barcelona”. Hindi man ako faney ng KathNiel, nasapol nila ako usaping acting at performance nila.
Congrats Daniel and Kathryn. I love “Barcelona”. Tama ang sinabi ni Direk Olive na nag-level up na ang acting ng dalawa.
P’wede ko na bang sabihin na sina Daniel at Kathryn ang makabagong John Lloyd Cruz at Bea Alonzo?
Special mention sina Aiko Melendez at Joshua Garcia sa performances nila. Maging si Ma. Isabel Lopez bilang ina ni Daniel sa istorya, magaling din (pero I find her skin na tila tuyo’t na).
Mabuhay kayo.
Tama, hindi na nga bagets ang KathNiel na magpapa-tweetums lang sa harap ng kamera.
Reyted K
By RK VillaCorta