NAUBOS NA ang mga planggana at bandehado para itapat sa tumutulong bubong namin sa 3rd floor ng aming townhouse sa Morato. Kung nakamasid kami sa bintana ng 3rd floor nu’ng July 16, nakita talaga namin ng mga anak ko ang mga parang lasing na punong sumasayaw sa malakas na hampas ng hanging dinig na dinig din naming sumisipol.
Juice ko, kung irereklamo pa namin ang mga tulo sa bubong at tagas ng tubig-ulan sa mga dingding eh, napakaarte na namin no’n. Sabi ko nga sa mga anak ko, “Mas malala riyan ‘yung nangyayari sa ibang bahay. Tanggal talaga ang bubong nila. Inaanod pa ng baha ang bahay nila at halos wala na silang matirhan.”
Masuwerte pa rin ang mga anak ko, dahil kami lang ang nakaranas ng gano’ng eksena nu’ng nakatira pa kami sa Sampaloc, Manila. Lumaki ang mga muscles namin sa paa at braso sa kalilimas ng tubig na nagte-trespass sa napakaliit na ngang bahay namin ay kumbakit paboritong pasukin ng baha.
Anyway, sa lahat ng pagkakataon, tayo ay mag-iingat. Tibayan lang ang dibdib at lakasan ang loob, labanan ang mga hagupit ng unos, dahil after all, nabubuhay naman tayong mga Pilipino na patuloy na nakikipaglaban sa mga hayok na pulitiko at sa lupit ng mga unos.
At the end of the day, hindi pa rin nawawala ang sampalataya nating mas malaki ang Panginoon kesa sa bagyo. Basta ‘wag bibitaw sa pagdarasal.
DAHIL BROWNOUT at wala rin kaming kandilang mabili ay pinili na lamang naming magbabad sa FisherMall para magmeryenda at manood ng She’s Dating The Gangster. Alam naming hindi masyadong mahaba ang pila, dahil nga sa killjoy na si bagyong Glenda.
But in fairness, an’dami pa rin naming nakasabay sa panonood. At halos karamihan, mga batang bitbit ang kanilang mga guardians o magulang. Ang nakaaaliw pa, naka-gangster outfit pa ‘yung iba (kasama na riyan ang apat kong anak) para in na in sila sa mga outfit ng Kathniel.
Nine-nega ng iba ang poster, dahil “She’s Dating The Albularyo” daw dapat ang pamagat ng movie, dahil mala-Mang Kepweng daw ang peg ni Daniel Padilla na me tali pa sa ulo that makes him an “albularyo”.
Juice ko po, ang ibang netizens nga naman, that you really can’t please them all.
Anyway, kaya naman kami nanood dahil ‘yung 12-year old daughter namin is a true-blooded Kathniel fan, kaya hinawaan na rin niya ang iba niyang kapatid, kaya ayun, kaming buong pamilya ay nanood sa FisherMall.
Sabi nga namin, obviously, hindi talaga masasabing napuno, dahil alam naman natin ang sitwasyon. Umepal si Glenda. At ngayong humupa na siya eh meron pang isang nagbabantang bagyo na “Henry” raw ang pangalan.
‘Yung iba ay hindi muna nanood, dahil hindi pinayagan ng parents, dahil nga OA pa rin ang hangin na nakabubuwal pa rin ng mga puno. Ganumpaman, this weekend, feeling namin ay hahataw na ang SDTG, lalo na’t cute din ang istorya, in fairness.
‘Yung anak ko nga, habang pinanonood si Kathryn Bernardo na nagpagupit ng hair, ‘pag humaba raw ang hair niya ay nakiusap itong ganu’n din ang ayos ng hair niya. Umoo kami, dahil mukhang babagay rin sa anak ko.
Anyway, pinaiyak lang naman kami ng movie na ‘yan, lalo na sa eksena nina Richard Gomez at Dawn Zulueta. Pero ayaw na naming maging spoiler, kaya watch n’yo na lang.
At any rate, despite the Bagyong Glenda, ayon sa fanpage ng Star Cinema movie, pumalo pa ang She’s Dating The Gangster ng P15M on its first day.
AS USUAL, nabuhay na naman ang mga bashers ng inyong lingkod. Obviously, ‘yung ibang fans ni Julia Barretto ay hindi maintindihan ang aming ipinupunto. Simple lang naman. Bakit mo tatanggalin sa mga legal documents mo ang apelyido mo gayong ikaw na rin ang nagsabi na you love your dad, you respect your dad, so paano mo naman maiintindihan ‘yon?
Kami ay humahanga kay Julia sa husay niya sa pag-arte, pero hindi sa bagay na ito.
Tatay rin kami. At me mga tatay rin kayo. ‘Yung iba’y hindi pa nga nila nakikita o napakairesponsable pero hindi nila naisip na tanggalin ang pangalan ng tatay nila.
Kaya sa mga bashers ko, kung hindi n’yo rin lang kami naiintindihan eh, kayo na lang ang iintindihin ko.
Buti pa.
Oh My G!
by Ogie Diaz