NAGING MATAGUMPAY at talaga namang dinagsa ng mga tao ang 9th Year Walk of Fame Philippines na hatid ng Eastwood City at ng nag-iisang Master Showman na si Kuya German Moreno na ginanap sa Eastwood, Libis last Dec. 1, 2014. At ito ay sa tulong na rin nina Ms. Alice Eduardo, Vice Mayor Isko Moreno at Ms. Nene Talampas.
At kahit nga ‘di dumalo ang ilan sa mga awardee like Lito Legaspi, Direk Joel Lamangan at Willie Revillame, almost kumpleto naman ang attendance ng mga bibigyan ng sariling bituin sa Eastwood kasama ang kani-kanilang pamilya.
Ito ay sa pangunguna ng hit loveteam na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Carmi Martin, Aiko Melendez, Sylvia Sanchez, Cory Quirino, Angel Aquino, Paeng Nepomuceno for Angelito Nepomuceno, Daisy Rumualdez, Allan K, Vice Ganda, Dante Rivero, Liza Macuja Elizalde, Tony Ferrer, Chanda Romero, Luis Gabriel Moreno, Tom Rodriguez, Jestoni Alarcon, Jaya, at Evangeline Pascual.
Habang nagbigay-aliw naman ang mga Walang Tulugan prime artists na sina Buildex, Prince Villanueva, John Pol, Clarisse, Marika Sasaki, Detour, Pilyo, Goodvibes at UPGRADE hosted by John Nite, Shermaine Santiago at Shalala.
Kuh Ledesma at Richard Poon, sumuporta sa 50th anniversary ng PAMET
PINANGUNAHAN NINA Kuh Ledesma at Richard Poon ang matagumpay na 50th anniversary ng PAMET (Phil. Association of Medical Technologist) na ginanap sa Raja Sulayman at nagtuluy-tuloy sa Manila Hotel.
Tsika nga ni Mr. Mark Yulores (Treasurer/Board of Member ng Pamet), “Pakonti nang pakonti na ang nagpa-practice ng med tech dahil sa baba ng suweldo. Ang iba, mas pinipili na lang na mag-call center, kung saan mataas ang suweldo, habang ang iba naman ay nag-a-abroad na lang kahit hindi in line sa kanilang tinapos ang trabahong pinasukan nila.”
Dagdag pa nito, “Ang mga med tech ang nag-i-examine ng ating dugo at ihi sa tuwing nire-require ng mga doctor para pagbasehan ng findings nila sa mga karamdaman natin.”
At para raw palawigin pa at mas dumami pa ang mga certified med techs sa bansa, may mga seminar daw sila at exhibit sa PICC for 3 days.
John’s Point
by John Fontanilla