Inamin ni Kathryn Bernardo sa isang interbyu na talagang nahirapan siyang gawin ang pelikulang “Barcelona: A Love Untold” kasama ang ka-loveteam na si Daniel Padilla. Hindi raw niya makalilimutan ang mga na-experience niya habang nagsisyuting sila sa Barcelona, Spain.
“Hindi po madali. Mahirap talagang gawin ang pelikula. Kailangan naming mag-focus at araling mabuti ‘yung role namin bago sumalang sa shooting,” bulalas ng magandang dalaga.
“Hinubaran po talaga ako rito ni Inang (Direk Olive Lamasan). Tinanggal niya ‘yung inhibitions ko para magawa ko ‘yung pinapagawa niya. Pero gina-guide naman niya ako palagi. Ultimo ‘yung mga maliliit na detalye ng role ko, binabantayan talaga niya,” dagdag pa niya.
Hindi nga raw madaling makatrabaho si Direk Olive dahil na rin sa reputasyon nito ng pagiging “terror” at “perfectionist”. Pero awa ng Diyos, na-survive daw naman ito ni Kathryn.
Ayon pa sa dalaga, sobrang laki ng pasasalamat niya na naidirek siya ng kagaya ni Inang dahil marami rin daw siyang natutunan dito.
“Ang akala ko noon okey na ako at kahit papaano may alam na rin sa craft ko. Pero nu’ng ginawa ko ang ‘Barcelona’, na-realize ko na marami pa pala talaga akong dapat matutunan. Parang bumalik kami sa zero ni DJ. Pero very rewarding, kasi ibang klase ‘yung experience na maidirek ka ni Inang,” sey pa ni Kathryn.
Palabas na ang “Barcelona: A Love Untold” ngayon in more than 200 cinemas nationwide.
La Boka
by Leo Bukas