Dear Atty. Acosta,
NAKATANGGAP AKO ng sulat mula sa Immigration na hinihingan ako ng paliwanag at dokumento na magpapatunay na ako ay Pilipino. Ang problema po ay ang pareho kong magulang ay Intsik ngunit dito po ako ipinanganak at kahit noon pa man ay kinokonsidera ko na ang sarili ko bilang isang Pilipino. Ano po ba ang dapat kong gawin at ano po ang maaaring mangyari kung hindi po ako sumulat sa kanila? Nawa’y mabigyan ninyo ako ng payo ukol sa dapat kong gawin. Maraming salamat.
Ong
Dear Ong,
AYON SA ating 1987 Philippine Constitution, upang maging Pilipino ang isang tao ay kailangan na: (1) Pilipino ang kanyang ama o ina (principle of jus sangguinis); (2) Siya ay naging Pilipino dahil siya ay pinagkalooban nito sa pamamagitan ng naturalization; o (3) Pinili niya ang pagiging Pilipino nang siya ay umabot sa hustong gulang (election) kung siya ay ipinanganak bago ang Enero 17, 1973 sa banyagang ama at Pilipinong ina.
Sa iyong inilapit na sitwasyon, ang pareho mong mga magulang ay banyaga kung kaya’t hindi maaaring masabi na ikaw ay Pilipino. Maliban dito, hindi mo rin nabanggit kung ikaw ba ay naturalized na Pilipino. Kahit pa ipinanganak ka sa Pilipinas o matagal ka nang naninirahan dito, hindi nito maipagkakaloob sa iyo ang pagiging Pilipino. Bagama’t mayroong mga bansang tumatalima sa prinsipyo ng jus soli o ang pagkakaroon ng citizenship ng bansa kung saan ka ipinanganak, hindi ginagamit ang alituntuning ito sa ating bansa. Tanging ang mga paraan na nakasaad lamang sa ating Saligang Batas ang mananaig at ang prinsipyo ng jus soli ay hindi isa sa paraang ito.
Batay sa aming mga nabanggit, ang pananatili mo sa bansang ito ay isang pribilehiyo lamang dahil hindi ka Pilipino. Bilang isang banyaga, kailangan mong sundin ang hinihingi ng batas upang maging legal ang iyong pananatili sa bansa. Ang isa sa mahalagang panuntunan na dapat mong sundin ay ang pagkakaroon ng balidong visa. Kung wala nito ay maaari kang ikonsidera bilang isang illegal alien dahil wala kang sapat na dokumentasyon na magpapatunay na balido ang iyong pananatili sa Pilipinas. Kaakibat nito ay maaari kang paalisin sa bansa sa pamamagitan ng proseso ng deportation. Kung kaya’t makabubuti na magpadala ka ng iyong paliwanag sa tanggapan ng Bureau of Immigration at ilakip mo ang iyong mga dokumento upang maipakita mo na wala kang nilalabag na batas, o kung mayroon man ay makabubuti na ayusin mo ito upang hindi ka maharap sa legal na problema. Kung sadyang nais mong maging totoong Pilipino, maaari kang magpetisyon sa pamamagitan ng judicial o administrative naturalization alinsunod sa Commonwealth Act No. 473 at Republic Act No. 9139. Subalit nais naming ipaalala na kung ang naturalization ay maipagkaloob sa iyo, mawawala ang iyong pagiging banyaga.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta