‘Katips’ tinapatan ang ‘Maid In Malacanang’

Leo Bukas

HINDI humaraap si Jerome Ponce, bida sa musical film na Katips sa ginanap na presscon ng pelikula. Nasa lock-in taping daw ang binata kaya no-show ito sa presscon.

Hindi tuloy natanong si Jerome kung ano ang pakiramdam niya na sa una niyang pagsabak sa isang musical film ay nominado agad siya bilang best actor sa FAMAS. Kasamang nominado ni Jerome sa katulad na kategorya  ang stage actor at founder ng Philippine Stagers Foundation na si Vince Tanada na siya ring direktor ng pelikula na nominado rin sa pagka-best director.

Jerome Ponce and Vince Tanada

Pangalawang pagkakataon na ni Jerome na maging nominee for best actor. Ang una ay sa PMPC Star Awards for TV para sa drama series ng ABS-CBN na The Good Son kung saan siya tinanghal na winner at dito nga sa pelikulang Katips.

Anyway, ayon kay Vince na isang Palanca awardee rin for literature, hindi siya natatakot tapatan ang Maid In Malacanang ni Direk Darryl Yap sa pagpapalabas nito sa mga sinehan sa  August 3. Huwag din daw sana kaagad siyang i-bash hangga’t hindi pa napapanood ang kanyang pelikula.

“Lahat po ng produkto hindi naman pupuwede na may monopolya.  Kaya nga may iba’t iba tayong mga brand kasi don mamimili ang tao kung ano ang gusto nilang panoorin. Tayo naman po, we are just serving our art,” lahad ng actor-director.

Dugtong niya, “Pero ang pinakamabuti siguro panoorin nila yung dalawa at mamili kung ano ang mas maganda at mas matino… Hindi naman nila ako kailangang i-bash kasi  hindi pa nila napapanood yung pelikula, eh.

“Ang nakakatawa, pag sinabing about sa Martial Law yung pelikula anti-BBM ka na. Panoorin muna nila at saka nila sabihin na anti-BBM or anti-Marcos yung pelikula.  Kapag nakita nila na, ‘Oo nga, anti-Marcos,’ don sila simulang mag-bash.

“Ang problema sa mga bashers they are bashing without any basis. Kailangan may basehan muna, may konteksto na sinusunod bago mag-bash. Ang pelikula namin ay pagpapakita ng mga karanasan ng mga simpleng Pilipino – positibo man o negatibo nandito sa pelikulang ito.”

Ipinagmamalaki rin ni Vince na nakasungikit ng 17 nominasyon sa FAMAS ang Katips na prinodyus ng Philstagers Films.  Bukod sa 2 Best Actor nomination at Best Director ay nakuha din ng Katips ang nominasyon para sa Best Screenplay, Best Original Song, Best Actress   (Nicole Laurel Asensio), Best Supporting Actor (Mon Confiado at Johnrey Rivas), Best Supporting Actress (Adelle Ibarientos), Best Cinematography, Best Musical Score, Best Sound, Best Editing, at Best Production Design.

“Masayang-masaya po tayo, this is our first film ever produced by Philstagers na makakuha ng 17 nominations. Although matagal na tayo sa teatro, tatlong dekada na tayong nagsusulat at nagdidirek sa teatro. Masaya po tayo dahil nadala po natin sa pelikula yung nakasanayan kong gawin sa teatro.

“In short, hindi yung pelikula ang nag-adjust sa teatro, kumbaga parang dinala ko yung teatro at in a way hindi naman tayo nahirapan. But it’s not normal for us to see Filipino musical being produced in film. Kaya bagong experience rin siguro kaya tayo na-nominate,” proud na pahayag ni Vince.

Previous articleChristine Bermas walang takot mag-frontal sa ‘Scorpio Nights 3’
Next articleXian Lim ididirek si Kim Chiu sa isang romcom movie

No posts to display