Nag-i-enjoy nang husto si Katrina Halili sa kanyang buhay sa probinsya. Naka-based na sa El Nido, Palawan ang aktres at ang anak niyang si Katie, 8 years old, mula pa noong December 2020 at nagta-travel na lang siya pabalik ng Maynila kapag may syuting, taping at showbiz commitments siyang kailangang puntahan.
“Masarap ang buhay probinsya kasi puwede kang magtanim. May mga alaga akong manok do’n. Namumulot ako ng mga organic eggs sa umaga kasi nangingitlog sila mga 9-10 ng umaga tapos sa hapon mangungulekta ako ulit,” masayang kuwento ni Katrina nang makausap namin siya presscon ng pelikulang AbeNida ng BG Productions International na ididirek ni Louie Ignacio.
Patuloy ni Katrina, “Fresh din ang gulay, nagtatanim din ako ng mga herbs pero yung maliliit lang ha, pangkain lang namin. Mas fresh din ang hangin kasi malapit lang kami sa beach.”
“Pag gising ko ng umaga magluluto ako ng breakfast ni Katie at mangungulekta ako ng itlog ng mga alaga kong manok. Tapos magti-trim ako ng patay na dahon ng herbs ko kasi pag may patay na dahon daw dapat tanggalin para hindi nakakahawa. Yon ang trip ko sa probinsya – magluto and mag-bake,” kuwento ni Katrina kung paano niya pinapalipas ang buong maghapon sa Palawan.
Ayon pa sa bida ng AbeNida, mas matipid din daw mamuhay sa Palawan kesa dito sa Maynila.
“Napakasimple din ng buhay namin do’n kasi hindi masyadong magastos. Yung mga alaga kong manok puwede mong katayin tapos fresh pa, organic, walang chemical. Dito sa Maynila, magastos. Walang libre,” lahad niyang natatawa.
“Nag-i-enjoy din si Katie sa probinsiya kasi dito, yaya lang yung kasama niya tapos hindi rin siya nakikipaglaro sa mga kapitbahay – routine lang siya diyan. Sa Palawan free siya, punta siya sa beach, naglalakad-lakad siya don, okey naman,” pahayag pa ni Katrina.
Ibinahagi rin ni Katrina ang pagiging praning niya bilang nanay nung nagsimula ang lockdown dahil sa covid 19.
“Dati po, nung unang lockdown natin praning talaga ako. Hindi kami lumalabas, lalabas lang ako para mag-grocery at naka-PPE ako, tapos may hood pa ako, takip na takip talaga yung mukha ko kasi takot na takot talaga ako,” natatawa niyang pagre-recall.
“Tapos pag-uwi huhubadin ko yon lahat sa labas, tapos super spray ng alcohol, ligo, ganyan. Pero ngayon, wala na rin po kasing bata, eh, dati kasi takot ako kasi may bata nga sa bahay. Ngayon nag-iingat pa rin naman ako,” huling pahayag ng Kapuso star.