KUMPIRMADONG WALA NA sa poder ni Tita Becky Aguila si Angel Locsin. Ayon sa aktres, naging maganda naman daw ang pag-uusap nila ng dating manager kung saan ay sinabi pa sa kanyang “goodluck”. Base sa balita, hindi si Boy Abunda at lalong hindi si Malou Santos ang bagong manager ng aktres kundi si Manay Ethel Ramos na manager ni Aga Mulach.
Ayon sa tsika, hindi raw nahirapan si Angel sa “request” nitong aalis na siya sa poder ni Tita Becky dahil noon pa man ay nararamdaman na ni Tita Becky ang plano ni Angel. “Si Tita Becky pa. ‘Pag ayaw mo sa kanya hindi ka niya pipilitin dahil matino ang pagkatao niyan at may isang salita,” pahayag naman iyon ng isang taong malapit kay Miss Aguila.
Samantlala, matapos na umalis ni Angel sa poder ni Tita Becky, mukhang susunod na si Valarie Concepcion na pumirma na ng bagong kontrata sa Viva. “Actually hindi naman ako aalis kay Tita Becky. Actually, kasama ko pa nga siya nu’ng pumirma ako ng kontrata. Kasi sa kontrata na pinirmahan ko bale manager ko pa rin siya.” Co-manager for short, na ang ibig sabihin ay hindi lang si Tita Becky ang manager ni Valerie.
SUMAKABILANG BUHAY ANG lola ni Katrina Halili na si Maria Dolores Chavez Llanes na dalawang araw na ibinurol sa Dulce Funeral Service sa may Abad Santos, Tondo, Manila. At sa loob ng dalawang araw na iyon ay “deadma” si Katrina ng channel 7.
Ni bulaklak ay hindi siya pinadalhan o hindi man lang nagpadala ng “condolence” sa aktres sa pagkamatay ng pinakamamahal nitong lola.Ayon sa isang taong malapit kay Katrina, hindi na “bago” ang pangde-deadma ng Siyete sa sexy actress dahil sa maraming panahon at pagkakataon, hindi naman naramdaman diumano ni Katrina ang pagpapahalaga sa kanya ng nasabing TV network.
“My God nu’ng pumutok ang sex scandal, ‘di ba sila ‘yung unang-unang naglabas ng news. Hindi ko sila bini-blame pero sana naman, prinuteksiyunan nila si Katrina na tulad ng ginawa ng channel 2 kay Maricar Reyes. Hindi namin pinagsisihan ang aming ginawa, pero sana naman tulungan nila sa pakikipaglaban si Katrina. Hindi ‘yung lahat na lang ng mga project na ibinibigay nila ay puro nakahubad si Katrina, like ‘yung sa Darna. Alam nila na may pinagdadaanan ang bata pero ano ang ginawa nila, binigyan ng role na nakahubad din, halos wala siyang damit sa role niyang Serpentina, ‘di ba?” Sabi sa amin ng isang kaibigan ni Katrina.
Ayaw magbigay-komento ng aming source kung lilipat na si Katrina sa Dos, pero aminado ito na “pinagkakaitan” ng Siyete ang kanyang kaibigan ng mga magagandang oportunidad. Sa kabilang banda, “deadma” lang si Katrina nang tanungin namin kung masama ang loob niya dahil hindi man lang siya naalaala ng Siyete sa panahon ng kanyang pagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang lola.
“Okey lang po sa akin iyon. Ang importante ay kaya ko pa ring harapin ang mga nagiging problema ko,” sey ni Katrina.
Sabi ni Katrina, “may lakas” pa rin siyang natitira kahit sabihin pang halos lagpas na sa leeg ang pangangailangan niyang financial, dahil almost P700 thousand din ang naubos niya ng mga panahong nasa hospital pa si Aling Dolores.
“Totoo, dati balak ko na talagang ibenta ang bahay ko sa New Manila dahil kulang na kulang ang kinikita ko. Buti na lang may isang kaibigan na nagmagandang loob sa akin at hindi niya kinuha sa akin ang bahay. Instead, pinautang niya ako ng 500 thousand at malaking bagay iyon para sa akin.”
Malaki ang paniniwala ni Katrina na ang lahat ng mga pagsubok na kanyang kinakaharap ngayon ay buong giting niya iyong malalagpasan at mapagtatagumpayan.
More Luck
by Morly Alinio