HONESTLY, ANG SIMPATIYA namin ay nakuha ni Katrina Halili. Pero nu’ng pati ‘yung “nananahimik” na Belo Medical Group ay kanyang pinaaalisan ng lisensiya sa DOH. Ay, teka muna! Para yatang umo-OA na ang lola n’yo.
Tila ine-enjoy na niya ang kanyang “fame” na tinatamasa niya sa isyung ito. Na nagsimula lang naman sa ang pag-aari ni Maria ay gusto ring ariin ni Katrina, ‘yun lang ‘yon.
Oo, aminado siyang naging mapusok siya at talagang nahulog ang loob niya sa lalaki. ‘Yung hindi niya alam na bini-video siya ay talagang foul ‘yon. Binastos talaga siya roon. Du’n kami galit ke Hayden sa ginawa sa kanya.
Pero para patanggalan mo ng lisensiya ang Belo Clinic porke gusto mong butasan lang si Hayden na gumawa ng procedure ng lipo sa ‘yo na hindi pa pala experienced, pero wala namang nangyaring masama sa ipina-lipo mo, eh, teka muna.
Si Hayden na nag-lipo sa ‘yo ay tanggal na ang lisensiya. Ba’t pati ang Belo Medical Group? Pumalpak ba ang gawa sa ‘yo? Ang pumalpak sa ‘yo, eh, ‘yung taong akala mo ay mahal ka’t inirespeto ka, ‘yun ‘yon.
Ano ‘to? Nalilihis na ang isyu? Sa’n ba ‘to nagsimula talaga? Sige nga, Katrina, ugatin mo. Isipin mo kung saan ito nag-ugat. Sa isang salita lang: sa kalandian.
Nino? Sa kalandian ko siguro.
NAPANOOD NAMIN ANG parang “tribute” kay Marvin Agustin sa Showbiz Central. Maganda ‘to. Kaso, dapat, me reenactment para hindi lang basta nag-i-imagine ang mga tao kung ano nu’ng araw si Marvin.
Siguro, mas naantig kami kay Marvin kung pinasalamatan niya ang mga “unang taong” nagbigay sa kanya ng break at pagkakataong maging artista. Hindi naman gano’n kabilis ang mga pangyayari sa buhay niya.
Na Marvin Agustin agad siya. Siyempre, me dumiskober sa kanya. Sino ba ‘tong taong ‘to? Ano bang grupo ang sinalihan niya bago siya nakapag-solo bilang si Marvin Agustin?
Saka halatang iniiwasan niyang mabanggit ang ABS-CBN na pinanggalingan niya, kaya siguro, hindi na rin niya nabanggit o binanggit ang isang tauhan sa Channel 2 na talagang tinulungan siyang kumita at magkaroon ng pangalan.
Alam naming kahit ilang daang tao pa ang gustong tumulong sa ‘yo, kung ikaw mismo’y hindi tinutulungan ang sarili ay wala ring mangyayari.
Pero sana, ‘wag maikli ang memorya ni Marvin. Hindi lang dahil sa mga kapitbahay niya, sa pamilya niya, sa teacher niya siya dapat magpasalamat.
Siguro, kung binanggit niya kahit ang istasyon lang na pinanggalingan niya at ‘yung isang taong tumulong sa kanya, puwede na naming sabihing hindi siya marunong makalimot sa mga taong nagpala sa kanya.
“Missing page” ang title ng segment na ‘yon kay Marvin, dahil pinilas niya ang isang page ng encyclopaedia na hiniram niya sa library.
Isang pahina lang ‘yon na naalala ni Marvin, pero ‘yung “early pages” ng buhay ni Marvin sa showbiz, eh, na-dedma na.
Bukas na libro sa lahat kung kanino kami nagsimula. Anuman ang narating namin ngayon, ‘yun ay utang namin sa pinakaunang taong nagtiwala sa aming munting kapasidad.
At ‘yan ay walang iba, kundi si Ms. Cristy Fermin.
Sa tuwing nagge-guest kami sa anumang programa, basta ang paksa’y tungkol sa history mo sa showbiz o pagbabalik-tanaw, o kaya ay nagse-celebrate kami ng kaarawan sa TV, hindi puwedeng hindi namin babanggitin ang pangalan ni Ate Cristy.
Oo, kung minsan, nagkakatampuhan kami niyan, pero ‘yun ay itinuring namin ni Ate Cristy na tampuhang mag-ina lamang. Sabi nga namin kay Ate Cristy, “Kahit pa siguro tirahin mo ‘ko nang tirahin sa kolum mo, hinding-hindi ako sasagot sa ‘yo.
“Kulang pa ‘yon para mabayaran ko ang utang na loob ko sa ‘yo, Ate Cris. Alam ng buong pamilya ko kung gaano mo kami natulungan.”
(Ayan, naiiyak na naman ako, syet!)
Oh My G!
by Ogie Diaz