SA KRISIS na pinagdaraanan ng administrasyong Aquino ngayon, isa lang ang nakikita kong pinag-ugatan ng trahedyang nangyari sa 44 na namatay na PNP-SAF, ito ang kawalang tiwala. Sa maraming anggulo ay sisipatin ang mga puntos na nagpapakita ng kawalang tiwala sa pagitan ng PNP at AFP, militar at presidente, mambabatas at BBL, gobyerno at MILF.
Masakit na makitang tila nagkalamat ang pagkakapatid ng mga sundalo at kapulisan sa naganap na insidente sa Mamasapano; kung saan ang mga pulis ang nadehado. Kung bibigyang-diin ang mga hinanaing ng PNP-SAF, marami sa kanila ang tila nagtanim ng sama ng loob dahil ang pakiramdam ng mga kapulisan, lalung-lalo na ang miyembro ng SAF, ay inabandona sila ng mga kapatid nila sa militar kung kailan talagang kailangan nila ng tulong.
Lalo pang luminaw ang mga pangyayari matapos ang unang araw ng hearing sa Senado kung saan naipakita na mahigit sampung oras ang lumipas bago pa dumating ang tulong na nanggaling sa mga militar. Sa kasawiang palad, wala na silang nadatnang buhay sa mga kapulisang humingi ng tulong. Dito’y akmang sabihing “aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo?”
Tunay nga kayang inabandona ng militar ang PNP kung ang pagkakaantala ng tulong mula sa AFP ay bunsod ng kawalang koordinasyon ng mga hepe ng parehong panig? Ang malungkot dito ay maaaring dito magsimula ang pagkawala ng tiwala ng PNP sa AFP, at AFP sa PNP.
MARIING KINONDENA ni dating Pangulong Fidel V Ramos ang pagbali ni PNoy sa chain of command sa militar. Ang sagot sa tanong ng marami kung bakit hindi sinunod ni PNoy ang chain of command sa militar ay bahagyang nasagot sa pagdinig ng Senado sa isyu ng Mamasapano massacre.
Nakumpirma sa pagdinig ng Senado ang pakikialam ng suspendidong PNP Chief na si Gen. Allan Purisima sa tinawag nilang Oplan Exodus. Sa kabila ng pagiging suspendido nito, tila siya ang may pakana ng pagbali ng chain of command dahil sa iniutos nitong ilihim ang operasyong Oplan Exodus kay Gen. Leonardo Espina na humalili sa kanya bilang PNP Chief Director at pati kay Secretary Mar Roxas ng DILG.
Masasabing ang meeting na ito ang nag-udyok at nagpapayag kay PNoy na magkaroon ng break sa chain of command. Ngayon, malinaw na nagkaroon ng kawalang tiwala sa pagitan ng Pangulo at ng militar.
NAGPAHAYAG NA si House Speaker Sonny Belmonte ng Kamara ng damdamin ng mga mambabatas sa mababang kapulungan hinggil sa estado ng pagpasa ng BBL o Bangsamoro Basic Law. Pinagdududahan ng mga kongresista ang sinseridad ng MILF sa ginagawang peace talks. Ang isang malaking palaisipan para sa mga mambabatas ay ang bahagi ng BBL kung saan ang mga armadong miyembro ng MILF ay gagawing lehitimong mga sundalo ng pamahalaan sa ilalim ng BBL. Ngunit paano mo pagkakatiwalaan ang mga taong sagad sa buto kung pumatay? Matatandaang halos lahat ng Fallen 44 ay hindi lamang namatay mula sa tama ng bala ngunit pinaghihinalaang pinahirapan, dinurog ang mga bungo na tila mga hayop at walang karapatang mabuhay. Paano ngayon magtitiwala ang mga tao sa MILF kung sila ay tila mga diablo kung pumatay? Dahil dito mahihirapan nang makapasa ang BBL sa kamara at ito ay ayon sa maraming kongresista at mismong Speaker of the House.
MALAKING HAMON para sa pagitan ng gobyerno at MILF na parehong nagpaplano ng BBL ang pagsasabatas nito. Pagkatapos ng lahat ng nangyari, tila nagkaroon ng malaking pagdududa at kawalang tiwala ang iba’t ibang sektor na direktang may kinalaman sa pagsasabatas ng BBL. Ang tanong ngayon, may tiwala pa kaya ang gobyerno sa MILF o magtitiwala pa kaya ang MILF sa pamahalaan?
Ang usaping kapayapaan sa Mindanao ay matagal nang problema ng ating lipunan at ito ay mababakas sa ating kasaysayan. Alam din nating kailanman ay hindi sagot ang digmaan para makamit ang kapayapaan. Saan ngayon pupunta ang BBL? Saan ngayon maghahanap ng kapayapaan ang mamamayan ng Mindanao. Ano ang mga bagong hakbang ng pamahalaan? Ang mga tanong na ito ay nananatiling walang sagot hangga’t ang mga sektor ay mananatiling walang tiwala sa isa’t isa.
Kung mawawala ang pagdududa, dito na lang muli tayo makapagsisimula at makahahanap ng kasagutan sa mga tanong na ito.
ANG AKING mungkahi ay, una, para mabalik ang tiwala ng PNP sa militar dapat ay may managot na opisyal sa kapalpakang nagawa nito sa Oplan Exodus. Maaaring panagutin dito si Gen. Allan Purisima. Ikalawa, para mabalik ang tiwala sa pagitan ng militar at ng Presidente, dapat ay aminin ng Pangulo ang kanyang pagkukulang; at kung kinakailangan ay panagutin din siya sa kanyang pagkakamali. Ikatlo, para maibalik ang tiwala ng mga mambabatas sa MILF ay kailangang panagutin ang mga sundalo ng MILF sa kanilang ginawang krimen. Dapat makulong ang mga kriminal na ito at isauli nila ang mga ninakaw na gamit mula sa PNP-SAF. Huli, para maibalik ang tiwala ng gobyerno sa MILF, dapat ay magkaroon ng kooperasyon ang MILF sa ginagawang imbestigasyon ng pamahalaan sa trahedyang naganap sa Mamasapano.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo