MAY ISANG dalagita na sumakay ng taxi sa Global City, mag-aalas-dos ng madaling-araw. Batay sa kanyang salaysay ay biglang may lumabas na kasama itong driver ng taxi mula sa likurang bahagi ng taxi. Kinuha ang lahat ng maaaring nakawin sa dalagita at inilagay siya sa trunk ng sasakyan. Pumasok sa isang motel ang taxi at doon ay hinalay ang kawawang biktima. Ang balitang ito ay lumabas sa maraming pahayagan at umere rin sa iba’t ibang programang balita sa telebisyon at radyo.
Isa lamang ang kuwentong ito sa mga nakababahalang kaso ng kriminalidad dito sa Kamaynilaan, kung saan nasasangkot ang mga taxi driver at kasapakat ng mga ito sa pagnanakaw at panghahalay sa mga biktimang kadalasan ay kababaihan. Tila ito na yata ang bagong modus ng mga kriminal na pumalit sa riding in tandem. Ito na nga siguro ang bagong “taxi in tandem”.
Masasabi nating nagtagumpay ang ilang mga pamayanan sa Metro Manila sa pag-implement nila ng mga ordinansang naghihigpit sa riding in tandem kaya bumaba ang insidente ng mga kriminalidad na nagsasangkot sa riding in tandem. Ang problema ay nakahanap yata ng bagong paraan ang mga may masasamang loob at pati hanap-buhay ng mga matitinong taxi driver ay apektado sa lumalalang bagong modus ng taxi in tandem.
WALA PA ring malinaw na plano at aksyon ang Philipine National Police (PNP) sa problemang ito. Gaya ng dati ay mabagal ang kanilang solusyon na ihahatag. Kung tutuusin ay ang mga lokal na pamahalaan ang nakapagpababa ng mga kaso ng krimen sa riding in tandem, mula sa inisyatibo ng mga mayor. Ang isang halimbawa ay ang ordinansang naghihigpit sa riding in tandem na mainam na ipinatutupad ni Mayor Herbert Bautista ng Quezon City.
Ang national government ay dapat makialam dito at manduhan ang PNP para agarang solusyunan ang problema sa taxi in tandem. Kailangan ng malinaw na aksyon para matakot na ang mga masasamang loob na ito at mahuli ang mga kriminal. Ang matagal na aksyon mula sa PNP ay naghihikayat lalo sa mga kriminal na ito para lumakas ang kanilang loob dahil naisasagawa nila nang walang kahirap-hirap ang krimen.
Ang problema ay habang tumatagal ang mga kaso at patuloy na may nabibiktima ang mga taxi in tandem ay apektadong malaki ang hanap-buhay ng mga matitinong taxi driver. Ang katunayan ay maraming mga pasahero ngayon, karamihan ay kababaihan, na ayaw nang sumakay ng taxi dahil sa malaki ang takot nilang baka sila na ang susunod na mabiktima.
ANG MGA biktima sa taxi in tandem ay mas marami at hindi lamang nalilimitahan sa mga pasahero nito. Kung magpapatuloy ang problema ng taxi in tandem ay tiyak na mahihirapan sa buhay ang mga pamilya ng mga lehitimo at propesyunal na taxi driver. Saan na sila kukuha ng panggastos kung wala na silang pasahero? Ang mga anak nila ay maaaring magsitigil din sa pag-aaral. Maging sila ay biktima rin ng modus na ito.
Ang pinakakaawa-awa ay ang mga dalagitang nabibiktima ng mga hayop na ito. Pinagnakawan na, ginagahasa pa nila. Dapat ay bitayin ang mga ito para maubos na ang kanilang lahi. Siguro rin ay napapanahon na para buhayin ang parusang bitay. Sa Kongreso at Senado ay may mga nakahain nang petisyon na humihiling sa pagbabalik ng parusang bitay.
Karamihan kasi sa mga kriminal na ito ay tila walang takot makulong dahil na rin siguro sa mga isyu na kinahaharap ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Marahil ay mababawasan ang kriminalidad kung may death penalty na ulit dahil tila ang kawalang takot sa pagkakakulong ay isang malaking salik na sa paggawa ng krimen sa panahon ngayon.
MAAARI RING magpalabas ng mga secret police woman na magpapanggap na pasahero para masawata ang mga kriminal sa likod ng taxi in tandem. Sa ganitong paraan, lalong matatakot at madidiskaril ang mga masasamang loob. Bigyan ng magandang training, paghahanda at pagpaplano ang operasyon. Tiyak na magkakaroon ng impact ito sa pagresolba ng problema.
Dapat din sigurong maglagay ng mga check point para sa mga taxi at mga police na nagpapatrolya lalo na sa mga lugar gaya ng Makati, Eastwood City at Bonifacio Global City. Dito kasi madalas inaabangan ang mga biktimang galing sa mga gimikan at kadalasan ay medyo nakainom na kaya madali nilang nabibiktima. Sa paraang ito ay makikita agad sa check point o ng nagpapatrolya ang kasama ng taxi driver na nagtatago sa likuran ng sasakyan. Kung patay ang metro ng taxi ay dalawa lang ang kahulugan nito, nagkokontrata ang driver o sila na nga ang taxi in tandem.
Ang pinakamahalaga ngayon ay dapat gumawa ng matinding aksyon ang gobyerno, PNP at mga lokal na pamahalaan para mapigilan ang taxi in tandem. Maging ito ay sa paraan ng pagpapabalik sa death penalty, mas maraming check point para sa mga taxi o pagpapalabas ng mga secret police woman. Ang mga posibleng solusyon na ito ay tiyak na yayanig sa mga kumakalat na taxi in tandem.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa programang Wanted Sa Radyo, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo