MAS DUMAMI raw at naging mas garapal na ngayon ang mga iligal na mangigisdang pumapasok sa ating karagatan at pumapatay sa mga pagong at iba pang yamang dagat sa Batanes. Ito ay matapos ang isyu nang pagkakabaril sa isang Taiwanese national noong May 9, ayon kay Mayor Rueul Ibañes ng Itbayat, Batanes.
Isinalaysay ni Ibañes na walang araw raw sa isang linggo na hindi makakakita ng mga dayuhang bangka na iligal na nangingisda roon. Mayroon pang pagkakataon na nagpaputok ng flare gun ang bangka ng mga iligal na mangingisda at muntikan nang tamaan ang isang bangkang may sakay na mga Pilipino.
Hindi rin daw bababa sa 20 dayuhang bangkang pangisda ang umuubos sa ating yamang dagat linggu-linggo sa mga isla ng Ditarem at Muvudis.
MUKHANG MALING senyales ang naiparating natin sa mga dayuhan at iligal na mangingisda sa baybayin ng ating mayamang karagatan. Lumalabas ngayon na kayang-kaya tayong gipitin ng mga piratang ito dahil hindi tayo makapalag sa kanilang gobyerno kapag sila ang naagrabyado.
Ayon kay Ibañes, bago mangyari ang insidente ng pagkakabaril sa mangingisdang Taiwanese ay bihirang makakita ng mga dayuhang bangka ng mga mangingisda na umaaligid sa kanilang isla.
Bigla umanong dumagsa ang mga bangka ng dayuhan matapos daw ang isyu, kasabay ng mga suspensyon sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Taiwan, sigalot ng gobyernong Taiwan at Pilipinas, at pagpapalabas ng kaso para sa mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG).
Malinaw na pinalakas ng ating gobyerno ang loob ng mga dayuhang ito dahil palpak at nabahag ang kanilang buntot nang pagbantaan tayo ng Taiwan. Imbes na papurihan natin ang mga kawal nating nagbabantay at handang mamatay para sa kaligtasan ng ating bansa ay makakasuhan pa ngayon ang pobreng mga kawal.
SA ISANG pagpupulong na ginanap kamakailan lang ng Provincial Peace and Order Council, ibinunyag dito na ang mga iligal na dayuhang mangingisda ay lakas-loob na ginigipit at hinaharas ang mga Pilipinong mangingisda sa karagatan ng mga isla ng Mavudis at Ditarem sa bayan ng Itbayat.
Napanghinaan na rin yata ng loob ang mga miyembro ng PCG dahil tila wala nang puwersang pumipigil sa mga pirata at malaya silang nakapapasok sa ating karagatan at sila pang bumubugaw sa ating mga maliliit at kawawang mangingisda.
Ang president ng Uyugan Fishermen’s Association na si George Peralta ay nakiusap pa sa Maritime Police para magsagawa ng pagpatrolya sa mga isla ng Mavudis at Ditarem upang bugawin palabas ang mga pirata at magpakita ng puwersa laban sa iligal na pangingisda.
ANO KAYA ang magiging reaksyon ng Pangulo rito? Ito na nga ang pinapangambahan ng marami sa atin dahil lalabas na tayong mga Pilipino ang talunan sa huli. Mas mahalaga ba talaga ang mga trabaho sa Taiwan kaysa soberenya?
Dapat dito nagtatrabaho ang ating mga kababayan at hindi inaalipin sa labas ng bansa. Ang pinakamasakit ay alipin at sunud-sunuran na ang mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa, ngayon, pati sa sarili nating bayan ay alipin din tayong sunud-sunuran sa mga dayuhang ito.
Mr. President, dagdag problema na naman ito sa ating kaligtasan at sa proteksyon ng ating yamang dagat. Ito’y problemang ikaw at iyong mga tauhan din ang may likha. Ang prinsipyong ipinagpalit n’yo sa pulitika ang siyang inapakan at binalewala para bastusin ang ating kasarinlan!
Shooting Range
Raffy Tulfo