NAPAIYAK PALA si Derek Ramsay nang dumalo ito sa hearing ng kasong isinampa sa kanya ng dating asawa niyang si Mary Christine Jolly.
Nasa prosecutor’s office pa lang itong kasong Rep. Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children na isinampa nitong si Mary Christine laban sa kanya.
Matindi ang mga bintang na nakasaad doon sa affidavit nitong babae, kaya sinagot na ito ni Derek na sinumite niya ang counter-affidavit nu’ng kamakalawa ng umaga lang.
Snamahan si Derek ng magulang niya at ang manager niyang si Joji Dingcong.
Ang abogado niyang si Atty. Joji Alonzo ang nag-ayos lahat ng counter-affidavit at sila mismo ang nag-research ng tungkol sa babaeng ito.
Hay, naku! Panoorin n’yo na lang ang Startalk bukas dahil doon ilalabas nila kung ano ang nakapaloob doon sa counter-affidavit ni Derek.
Naikuwento nga sa akin ng Startalk reporter namin na sinasaktan pala itong si Derek ng asawa niya. Meron pa raw insidenteng hinampas niya ng takong ng sapatos si Derek na meron pa naman siyang shoot ng commercial nu’n.
Ang daming kabaliwan daw itong ginagawa na napuno na talaga si Derek.
Wala raw itong pagalang sa mga magulang niya, kaya dumating na sa puntong kailangan na niyang mag-decide na hiwalayan ito.
Nabuntis nga raw ito, pero nu’ng taong 2011 lang daw niya nakumpirmang kanya nga itong 11-year old boy na anak niya kay Mary Christine.
Kaya gusto na niyang manahimik at hindi na lang muna magsalita dahil ayaw naman daw niyang siraan ang ina ng kanyang anak. Pero darating din daw ang tamang panahong magsasalita siya at ibubunyag niya lahat na ginagawa nitong babae sa kanya.
May pruweba si Derek ng perang binigay niyang suporta para sa kanyang anak. Kaya lang wala naman daw binibigay na resibo sa kanya itong babae. Siyempre gusto lang ni Derek na malaman na napupunta sa bata ang perang binibigay niya.
Mula nu’ng 2011, umabot na raw ng walong milyong piso ang naibigay niya para sa bata. Lahat nang ‘yun ay nasa affidavit ni Derek.
Kaya siya naiiyak dahil bumabalik sa kanya ang mga masasakit na karanasan niya noon sa babae.
Kasi naman walang Anti-VAWC sa mga lalaki, kaya tuloy siya ang kinasuhan ng babaeng ito.
Sabi na lang ni Derek, “I’m not angry. I’m hurt. It’s not nice to go dig into stuff like that. Supposed to be was taken care of. I just wannt get to know my boy and I think in time I will.”
Iyon lang ang gusto raw niya ngayon na magkaroon siya ng panahon para sa kanyang anak.
Sa September 4 ay magsusumite itong si Mary Christine Jolly ng reply sa counter-affidavit ni Derek.
Sa September 25 naman ang rejoinder na bale sagot ito ng aktor.
Wala kasi roon sa hearing itong babae kaya mas okay sana na nagkaharap sila roon ni Derek.
Ang abogado na lang nitong babae na si Atty. Isaiah Asuncion ang humarap, at sinabi lang niya na sasagutin nila ito ng kanyang kliyente.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis