KINA FERNANDO POE Jr., Rico Yan at Chat Silayan ang may pinakamalinis at pinakamagandang musoleo na aming napuntahan noong Araw ng mga Patay.
Kung sina Julie Vega, Eddie Feregrina at Ike Lozada ay tila “nakalimutan” na ng kanilang mga mahal sa buhay, kakaiba naman sina Rudy Fernandez, FPJ at Rico Yan na hanggang sa ngayon ay tila hindi pa nakaka-recover ang kanilang pamilya sa pagkawala ng mga ito.
Mararamdaman mo ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aaruga sa kanilang kinahihimlayan.
Ang magkakapatid na Yllana ay hindi rin nakalimot sa kanilang kapatid na si Robin dahil nag-ukol ng panalangin at bulaklak ang mga ito kasama ang kanilang mga kamag-anak.
Samantalang si Rochelle Barrameda naman ay naroon din sa puntod ng kapatid na si Ruby Rose na hanggang sa ngayon ay wala pa ring liwanag ang kaso ng pagkamatay.
Si Ricky Davao, kasama ang ilang kapatid at kamag anak, ay nasa puntod din ni Charlie Davao habang si Matimtiman Cruz ay inalayan din ng mga bulaklak at kandila ng kanyang mga apo at anak na nasa North Cemetery.
Sa muling pag-iikot ng Pinoy Parazzi ngayong taon na ito, muli naming napatunayan na kakaiba talaga ang puntod ni FPJ, dahil ang mga tao bago nila dalawin ang sarili nilang patay ay dumaraan muna sa libingan ni The King.
TAPOS NANG GAWIN ang Magkaribal. Nai-tape na nila ang huling eksena last week, kung saan ay nagkapatawaran na sina Victoria (Gretchen Barretto) at Gelai (Bea Alonzo) at nalaman na rin nila sa wakas na sila ay magkapatid.
Sa huling taping, mararamdaman mo ang bigat ng sakit na matagal ding hindi napakawalan nina Victoria at Gelai, na tapos na’t lahat ang eksena ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbaha ng mga luha nina Gretchen at Bea dahil dama nila ang kani-kaniyang role.
Iba rin ang ipinakitang acting ni Louie (Derek Ramsay), na sabi nga ng ilang movie press, next year ay tiyak na mapapansin ang kakayahan sa pag-arte ng aktor. “Actually, dapat ay may book two, kaya lang dahil sa iba-iba ang schedule, kaya wala muna.” Pahayag iyon ni Derek Ramsay sa Pinoy Parazzi.
Sa kabilang banda, ayaw magbigay-komento ni Gretchen sa balitang hiwalay na sina Claudine Barretto at Raymart Santiago, dahil ayaw raw niyang magkamali sa ibibigay niyang detalye at ayaw rin daw niyang magsinungaling.
Marami kasi ang nagsasabi na on the rocks daw ang relasyong Claudine at Raymart na sa kabilang nang pagtanggi ng mag-asawa, hindi pa rin mamamatay-matay ang usapin na nagkakaroon sila ng problema.
ILANG SHOOTING DAYS na lang ay tapos na ang pelikulang Si Agimat at si Enteng Kabisote na pinagbibidahan nina Senator Bong Revilla at Vic Sotto.
Isa sa mga artistang nakausap namin sa nasabing pelikula ay si Governor ER Ejercito ng Laguna na nagsabing “demonyo” na naman daw ang role niya rito na kaibang-kaiba sa tunay niyang pagkatao.
Sa Agimat ay kaiinisan si EJ pero sa Laguna ay “angel” ang aktor, dahil buong husay at tapat nitong nagagampanan ang tungkulin bilang gobernador nang nasabing probinsiya.
“Hindi po totoong nali-late si Gov. ER sa flag ceremony,” pahayag iyon ng isang matandang nakausap namin sa Calamba, kaugnay sa blind item na lumabas kamakailan sa programang Juicy.
More Luck
by Morly Alinio