HINDI RAW nasilaw sa malaking halaga ang Kapuso star na si Lovi Poe para mag-ober da bakod sa ibang malaking TV networks na gustong kunin ang kanyang serbisyo kaya naman pumirma ito ulit ng bagong kontrata at mananatiling Kapuso.
At kahit nga malakas ang bulung-bulungan noon na kasado na ang negosasyon at mga proyektong gagawin nito sa TV5, kung saan malalaking artista ang kanyang makakasama at makakatrabaho at ang buong teleserye na sana’y kanyang gagawin ay sa abroad pa kukunan, nanatiling tahimik lang ito at hindi naringgan ng pahayag sa nasabing kumalat na balita, samantalang inoperan din daw ito ng ABS-CBN.
Kaya naman ngayong nakapirma na siya muli sa GMA-7, ayaw na nga raw pag-usapan nito ang pumutok na balitang may mga offer siya mula sa ibang TV networks at kung magkano ang offer sa kanya. Ang mahalaga raw, nakapirma na siya ulit sa GMA-7 at isa na muli siyang certified Kapuso prime artist at makapagsisimula na siya muling magkaroon ng primetime soap.
Masyadong na-miss daw ni Lovi ang pag-arte sa TV lalo na sa primetime soap, dahil ilang buwan din siyang namahinga at mas nag-concentrate sa paggawa ng pelikula. Ready na nga raw itong mag-work anytime at handa na muling mapasabak sa mga soap.
Hindi pa nga nito alam kung anong proyekto ang gagawin at kung sinu-sino ang makakasama, pero ang hiling lang nito ay bigyan siya ng GMA ng magagandang proyekto.
MARAMING NALUNGKOT na mga kababayan natin sa Vancouver, Canada na tagahanga ng Comedy Concert Queen Ai-Ai delas Alas sa napapabalitang paghihiwalay nito at ng kanyang husband na si Jed Salang na ikinasal sa Las Vegas.
Kuwento nga ng Canada-based na si Ms. Mariafe Geneza (National Director of 5 Linx), “Nakalulungkot naman, kasi nakita namin sa mga interview noon ni Ai-Ai na sobrang saya siya sa piling ni Jed, kaya naman umabot sila sa pagpapakasal. Hindi naman siguro magpapakasal si Ai-Ai kung hindi niya mahal si Jed or vice versa, kaya nga nakakabigla ‘yung news na hiwalay na sila. Kasi kung simple lang ‘yung problema, hindi kaagad aabot sa hiwalayan, siguro medyo malalim ‘yung pinag-uugatan ng problema nilang mag-asawa.”
Habang umaasa pa rin daw ang isa pang National Director ng 5 Linx na si Mrs. Vilma Omosura na sana raw ay magkaayos pa ang mag-asawa, dahil kakasal pa lang ng mga ito at lahat naman daw ng mag-asawa ay umaabot sa puntong nagkakaproblema na part daw ng adjustment sa pagkakaroon ng kabiyak sa buhay. “I’m very sad to hear the news na hiwalay na sila. Mas maganda ‘yung news na may konting problema sila at ginagawan ng solusyon para magkaayos. Pero sa case nina Ai-Ai at Jed, hiwalayan na kaagad. Sana magkaayos pa sila, kasi sayang naman ‘yung pagpapakasal nila kung sa isang problema lang na dumaan sa kanila ay maggi-give up na sila at mas pipiliing maghiwalay.”
MASAYA AT very memorable ang aming naging bakasyon at birthday celebration sa Canada at Amerika, kung saan first time naming makapunta. Kaya naman very excited naming nilibot ang ilang lugar tulad ng Bellingham at Seattle sa Washington, Portland at Medford sa Oregon, Sacramento, Los Angeles, Anaheim, Long Beach, Hollywood, at San Francisco sa California.
Nakasama namin sa paglilibot sa Amerika ang aming alagang si 5 Linx SVP at Pinoy Canadian Ido/record producer na si Ramil Omosura, 5 Linx National Directors na sina Tita Vilma Omosura at Shirley Dulay, at si Tito Louie Omosura. Nag-enjoy kami nang husto sa paglilibot sa Disneyland, Walk of Fame Hollywood at sa San Francisco.
Kaya naman nagpapasalamat ako sa aking alagang si Ramil at sa kanyang pamilya mula kina Tita Vilma, Tito Louie, Nora at Bryan, at sa mga bagong kaibigang sina 5 Linx PSVP EJ Pardo at Allan Taunan na nagpatuloy sa amin sa kanilang marangyang tahanan sa Hayward, USA, sobrang bait na matalik na magkaibigan, kay Tita Connie Aureada kung saan kami namalagi ng isang araw sa kanyang bonggang tahanan sa Sacramento, Jerry at Rodenia Lino, 5 Linx National Director Mariafe Geneza, ang butihing ina ng Pinoy Canadian singer na si Geena Geneza, Lovely Sogocio, Daisy lynn Dulay, 5 Linx National Director Liza Pardilla , Ms. Marcie Lagazon Calderon, atbp.
Sa inyong lahat, maraming-maraming salamat po!
John’s Point
by John Fontanilla