HETO NA, ‘day, ang unang pasabog ng 2013 na ikinagulat nu’ng nabalitaan ko sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado. Naloka ako nang ikinuwento ng isang taga-Startalk na close kay Yasmien Kurdi na nanganak pala ito nu’ng nakaraang November.
Diyos ko! Ang buong akala ko nag-aaral itong si Yasmien kaya hindi na siya nagpaka-active sa pag-aartista.
Nalaman ko na lang na nagpakasal na pala siya sa non-showbiz boyfriend niya nu’ng January nu’ng nakaraang taon na hindi yata alam ng Mommy niya.
Kaya nagtampo raw itong Mommy at hanggang ngayon yata hindi pa nakikita ang apo niya sa young actress.
Nakausap ko sandali si Yasmien, masayang-masaya ito at excited siya sa pag-aalaga sa kanyang anak.
Tumigil ito sandali sa pag-aaral pero nangako itong tatapusin pa rin niya. Kailangan lang daw muna niyang mag-focus sa kanyang baby na isang malusog na baby girl na pinangalanan niyang si Ayesha.
Ilang beses daw nakikita ni Yasmien ang mga close friends niya sa Starstruck na sina Mark Herras, Cristine Reyes, Jennylyn Mercado, pero hindi nila alam na buntis ito.
Ang buong akala nila, mataba lang ito. Ang nakahalata raw na buntis siya, si Sheena Halili kaya tinanong niya ito. Hindi naman niya itinanggi, at ngayon lang nga siya aamin sa publiko.
Abangan n’yo na lang ang exclusive interview ng Startalk kay Yasmien. Naku ha! Naharbatan na nga ako ng hikaw para sa anak niya para ma-interview lang namin.
Mas gusto sana kasi ni Yasmien na tahimik na lang at huwag nang pag-usapan pa. Pero mabuti na rin ‘yung sabihin na niya sa publiko para wala nang mga paduda pa.
Pinag-iisipan pa rin naman daw ni Yasmien na bumalik sa pag-aartista pero gusto niyang tapusin talaga ang Nursing niya at siyempre magpapapayat pa siya nang husto.
ISA PANG ikinagulat ng lahat ay itong si Sarah Lahbati na nagdeklara pala sa kanyang Twitter account na hindi raw muna siya gaanong maging visible sa showbiz dahil babalik daw siya ng Switzerland para mag-aral.
Matindi ang iba pang mga sinabi nito sa Twitter laban sa GMA Artists Center kaya siya nagpa-co-manage kay Annabelle Rama.
May pelikula sila ni Richard Gutierrez na magsi-showing na sa buwang ito, kaya tiyak na ‘yun ang pag-uusapan sa promo ng pelikula nila.
Ang pinagdudahan ngayon ng desisyon ni Sarah na pagbalik ng Switzerland ay buntis daw ito.
Tiniyak naman ni Sarah sa amin na hindi talaga totoo iyan.
Napagkasunduan daw nila ito ng magulang niya dahil mas gusto muna nila ng tahimik na buhay.
Baka nga siguro, kaya mag-Switzerland siya at mag-aral dahil medyo magulo pa nga ang isyu niya sa GMA Artists Center at kay Annabelle.
Tingnan na lang natin!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis