PALIBHASA MEGASTAR si Sharon Cuneta kaya’t palaging nagiging sentro ng intriga. Kailan lang, naging malaking issue ang pagpatol ni Shawie sa bashers sa Twitter dahil sa pambabastos kay KC Concepcion.
Last Monday, sa kanyang show na Sharon, Kasama Mo, Kapatid, isa-isang tinanong ni Shalala kay Mega ang mga controversial issue na ibinabato sa kanya mula pa noong maghiwalay sila Gabby Concepcion. “Tahimik na tahimik ako noon. Sabi ko, I’ll take the high road kasi, ano man ang mangyari, siya (Gabby) pa rin, kahit baliktarin natin ang mundo, ang tatay ng anak ko. They took advantage of my silence. Some people, ‘yung ibang press associated with him. Halos araw-araw nabubugbog ako ng tsismis na ang feeling ko, nilulunok ko ‘yung lahat nang patago kasi iyakin ako, ‘di ba? Masyado akong sensitibong tao kasi, grabe akong magmahal. Grabe akong magtiwala noon. Akala ko, ‘yung ibigay mo, ‘yun ‘din ang ibabalik sa ‘yo, kaya lang bumaliktad ang mundo ko. Ang pinakamahirap na role na ginagampanan ko sa buong buhay ko bilang artista, ‘yung magpakitang strong ako na namamatay ako sa loob,” seryosong sabi niya.
Nagkaroon din ng controversial issue sina Sharon at Richard Gomez tungkol sa sex tape scandal na hindi nila pinatulan. “Hahaha! Naalala ba ninyo ‘yun? Ang nakakatawa n’yan, kami ni Goma nag-uusap noon kasi, hindi na ako mag-boyfriend nu’n. My God! Sinong gagawa nu’n? Wala na kami tapos, may ilalabas silang ganu’n. May isang magazine na nakakuha ng kopya ng tape, kinunan nila, pinablish nila. Hindi namin kamukha, bangs ko lang yata ang ginaya niya. Napakalayo ng mukha nila sa amin. Ang tao talaga ‘pag tsismis…” natatawang wika ng actress/singer/TV host.
Pera raw ang naging dahilan nang paglipat ni Sharon sa TV5. “Nakakatawa ‘yung sinabi na tungkol sa pera. Ang pera laging something important to consider ‘yan. Kapag nakikipag-sign ka ng deal, commercial or pelikula o anuman, ‘di ba? Siguro, hindi kapani-paniwala na hindi ‘yun ang dahilan kung bakit ako lumipat. Sa tagal mong thirty five years talagang may mga changes sa career mo, sa buhay mo, sa decision mo na you have to grow. People have to grow and move-on, I now co-produce the show. My staff take care of the content, we talk all about it. It’s a kind of show I really want to do. Siyempre, singer ako pero nakakagawa rin ako ng concert, ‘di ba? Sana kahit papaano mayroon kaming nai-inspire o natutulungan sa pamamagitan ng show namin. ‘Yun lang naman ang gusto ko, I have nothing else to prove. Nag-ipon ako nang marami, over thirty years. Siguro naman marami akong naipon. Ang mahalaga sa akin, lahat ng pinagtrabahuhan ko, mga kapatid. Siguro hanggang GMA, hanggang saan, kahit saan, nakakataba ng puso ‘yung alam mong bukas ang pinto nila sa‘yo dahil nakikisama ako. Mayroon na akong in-invest na goodwill na hindi ko ginawa dahil lang sa karera ko, ganu’n lang ako talaga,” paliwanag ni Sharon na hindi napigilan ang pag-iyak.
Naging emotional ang Megastar, bilang isang ina, natural lamang protektahan niya ang kanyang anak na si KC sa pambabatikos ng bashers sa Twitter. “Alam po ninyo, sa buong thirty five years ko, ito lang po, mid-forty’s ko nagsimulang mas maging vocal, na-notice ninyo. Kasi, sawang-sawa na ako sa pang-aabuso ng ibang tao kahit nananahimik ako. Tulad nu’ng naghiwalay kami ni Gabby, kung anu-ano na ang dinaanan ko. Pero masakit naman ‘yung tinu-tweet nila. Alam mo, mas masakit ‘yung nagsisi ako dahil sumagot ako. Para pumatol ako, naibigay ko ‘yung gusto nila. Parang ang feeling ko, sobrang sakit, may mura, may paratang sa anak ko. Itong thirty five years na binuno ko, wala akong tinapakan, wala akong ginamit. Alam ng buong showbusiness ‘yun, nagsisisisi po ako nang pinatulan ko ‘yung tweets. Siguro naman, after thirty five years, do I deserve to be treated that way? Siguro naman kahit ten minutes, nakapagbigay ako ng ligaya sa inyo, kaunting respeto lang naman. Siguro mayroon kayong kamag-anak na kahit paano nanood ng pelikula ko nu’ng may problema siya. Sabihin na ninyong lahat ang gusto ninyong sabihin sa akin pero huwag na huwag na huwag, nagmamakaawa po ako sa inyo, ‘wag si KC, ‘wag si Frankie, ‘wag si Miel, ‘wag si Miguel… kasi makikipagpatayan ako talaga. Lahat ng ina gagawin ‘yun para sa mga anak niya. Pagpasensiyahan po ninyo ako, ayaw ko nang maulit ‘yung ginawa kong nagpaapekto po ako sa tweets nila. Ang pagkakamali ko, mahal kong masyado ang mga anak ko,” pagwawakas ng pahayag ng nag-iisang Megastar Sharon Cuneta.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield