KAMAKAILAN LANG ay na-interview ko si Kaye Abad sa Bandila. Isa si Kaye sa maituturing na pinakamahusay na young actresses sa bansa. She was launched as a member of Star Circle (now Star Magic Batch 3) in 1993. Sino ang hindi nakakaalala kay Eds, ang sikat na karakter ni Kaye sa longtime-running youth oriented show na Tabing Ilog? At magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin niya tayong pinapahanga sa kanyang angking galing bilang isang artista. Now, Kaye is back on the small screen as Jenny Ambrosio in the drama series Angelito: Batang Ama.
Hindi maikakaila na magaling na artista si Kaye kaya marami ang nagsasabi na ang layo pa ng kanyang mararating sa showbiz. Tinanong ko siya kung masaya ba siya sa estado ng kanyang career ngayon. Does she think she deserves more dahil sa kanyang husay?
“Dati pa, ‘Ilog’ days pa lang sinasabi na nila sa akin na, ‘bakit hindi ka humingi ng project na sarili mo?’ Sa akin po kasi parang timing. P’wedeng nandiyan ka ngayon, tapos minsan nasa baba ka naman. Saka naniniwala po ako na lahat ng nangyayari may reason behind it. So siguro maaaring hindi ngayon, maybe sa future, or baka gusto ng Diyos na ganito lang talaga na steady lang,” paliwanag niya. Sabi ko, ang ganda ng kanyang pananaw. “Mas gusto kong makilala bilang isang aktres kaysa sa maging superstar,” dagdag niya.
I was told by one of the directors na ang galing-galing umiyak ni Kaye kaya tinanong ko siya kung paano niya ginagawa ito. “Siguro dahil mababaw ang luha ko.” Paano kapag masaya siya pero kailangan niyang umiyak? “Minsan lalo na kapag nakapasok ako sa karakter. ‘Pag na-feel ko [ang] pinagdaraanan ng karakter ko mabilis talaga [akong umiyak] pero minsan may mga oras na pigang-piga ako.”
Kapag kausap si Kaye ay hindi maaaring hindi mapag-usapan ang Tabing-Ilog kung saan kasama rin sina John Lloyd Cruz, Baron Geisler, Jodi Sta. Maria, Paula Peralejo, Paolo Contis, Desiree del Valle, at Patrick Garcia. Ano ba ang kanilang mga pangarap noon? What was their conversation like? Anong mga pangarap ang natupad, ang hindi natupad, at anong mga sorpresa ang naganap? “Mga bata pa kami noon. Parang 14 or 15 yata iyong edad namin noon. Mabababaw lang po ang mga conversations. Boys o kaya iyong mga boys naman, girls.” At sino ang mga boys na kanilang pinag-uusapan noon, tanong ko. “Iyong mga bagong pinapasok na cast ng Tabing Ilog, iyong mga gine-guest [kagaya ni] Juddha Paolo.”
She was paired with Lloydie, who plays Rovic, in Tabing-Ilog. Nagulat ba siya o expected na niyang marara-ting ni Lloydie ang kinalalagyan nito ngayon sa industriya? “Kay Lloydie, ‘Tabing Ilog’ pa lang nakikita ko na na malalim siyang umarte. May pinag-huhugutan talaga. ‘Pag kaeksena ko siya, hindi ako nahihirapan na maiyak kasi ‘pag tiningnan mo siya, may makukuha kang emosyon sa kanya.” Katulad ni Lloydie ay gusto ring muling makatrabaho ni Kaye ang kanyang dating kapartner. Kinukulit nga raw niya ang kanilang manager (they have the same manager) na magsama naman sila sa MMK o kahit anong show.
Kaye was in a long relationship before. Okay na raw ngayon ang lagay ng kanyang puso. How does she move on from an unsuccessful relationship? “Ako po kasi hindi ako iyong naglulugmok, nagmumukmok sa isang tabi. Naniniwala po kasi ako na kung para sa akin, sa akin. Parang sa career din po. Kung sa akin, sa akin. May dahilan ang Diyos kung bakit wala sa akin itong taong ito.”
Kaibigan, usap tayo muli!
Points of Boy
by Boy Abunda