SA PALAGAY NI KC Concepcion, hindi na niya kailangang magtago pa o mag-deny tungkol sa pribadong buhay niya. Nalaman ng mga tao ang pagkakaroon niya ng boyfriend (Direk Lino Cayetano) hanggang mag-split sila. Hantad naman ang lahat ng kaliit-liitang aspeto sa bahay niya kaya wala na siyang dapat pang ikubli sa publiko.
Kaya nga ang tungkol sa kanila ni Piolo Pascual ay isang bagay na ipinagkikibit-balikat lamang niya dahil wala naman daw talagang malalim na relasyong namamagitan sa kanila. Friendship lang talaga.
Ayaw lang niyang nagsasalita pa sila ni Piolo ng kung anu-ano na nabibigyan lang daw ng ibang kulay ang situwasyon, na hindi naman dapat. Ayaw ni KC na sumakay sa ganito para ma-drumbeat lang ang Lovers in Paris na tinatampukan nila, ang bagong teleserye ng ABS-CBN.
Kaya paikut-ikutin man ang mga kuwento, mananatiling iisa ang bersyon ni KC. Ayaw niyang gumimik para lang siya’y mapag-usapan. Napapag-usapan naman kasi siya kahit hindi siya maghanap ng kontrobersiya.
Dukot ni Joel Lamangan, tapat na pulitikal
ANG ATD ENTERTAINMENT Productions ni Allen Dizon ay nag-produce ng Dukot (Desaparecidos), isang obra maestra ni Joel Lamangan. At least, ito ‘yung pelikula ni Joel na walang compromise sa pagiging political, kaya hindi lumilitaw na mapagkunwari.
Kapansin-pansin kasi na sa mga nakaraang pelikula ni Direk Joel, kahit nga tatak na niya ang pagsasaksak ng social relevance sa mga pelikula niya, pilit ang karaniwang anggulo nito, kaya kung minsan ay nakawiwindang panoorin. At least, direct-to-the-point ang birada sa Dukot, sa katapangan nito sa paglalahad ng mga nagaganap kahit nga matagal na diumanong burado ang Martial Law.
At pagpapamukha nga ito sa bulok pa ring sistema ng pagyurak sa karapatang pantao. Noon pa namin nararamdamang mayroong ganitong angst as a filmmaker si Direk Joel na pilit nga niyang ini-inject sa tema ng iba pa niyang nagawa in the past, pero mukha ngang pilit at half-baked. Dito sa Dukot, mas straightforward ang gusto niyang tumbukin at napagtagumpayan naman niya.
Pero, marami ang nagtataka pa rin kung paano nahikayat si Allen na mag-produce ng ganitong klaseng pelikulang nakarating na pala sa Montreal International Film Festival. Nakilala kasing bold actor lang si Allen, pero habang nagma-mature siya at nasasabak siya sa iba’t ibang pagsubok at nae-expose sa matitinong direktor, hayan at isa nga sa naging plano niya ay makapg-produce ng isang makabuluhang pelikula.
Hindi basta umaasa si Allen sa local market para sa ganitong klaseng pelikula. Mas gusto niyang maipalabas muna ito sa iba’t ibang filmfests abroad , to generate more interest and enthusiasm.
At kahit nga manaka-nakang nagkakaproblema ito sa MTRCB at kung anu-anong iginigiit na restrictions sa kanila, again, ipinaglaban ito ni Direk Joel. Hindi na ito pinroblema ni Allen bilang producer. Alam niyang fighter ang direktor niya at ang pelikula nila ay may subject matter na kamado nito.
Calm Ever
Archie de Calma