PATULOY PA RIN ang spirit of giving and sharing sa showbiz, lalo na ngayong magpa-Pasko na.
Sa bonggang-bonggang Christmas in November party ng PLDT at myDSL, uunahin nilang regaluhan ang kanilang subscribers na nasalanta ng bagyong Ondoy noong Setyembre.
Inilunsad ang “25 Days of Christmas Blowout.” Mamimigay sila ng laptop at multi-media packages for 25 days, P25,000 cash every Saturday at P25,000 sa final draw. Umaasa silang makatulong sa pagsisimula uli ng buhay ng kanilang subscribers. Aware kasi sila na maraming internet machines ang nasira ng bagyo at negosyong nagsara, kung kaya’t puhunan sa pagbabagong buhay ang first concern nila.
Actually, ini-launch na ang Christmas promo/gift nila sa Eat… Bulaga! noong Nov. 14. Stream lined pa ito via Watchpad. Kailangan lang mag-register for free sa www. Pldtwatchpad.com para maka-join.
Sinampolan din nila ang movie press ng ipinamimigay nilang ito sa presscon na ginanap sa Annabel’s resto. Mula umpisa hanggang katapusan, wala silang ginawa kundi mag-raffle nang mag-raffle ng cash prizes, gift items at dalawang mamahaling lap top na sayang at hindi ko napanalunan (ang laptop, I mean).
LAUNCHING NAMAN NG tianggehan sa Riverbanks Center noong Sabado. Nagtulung-tulong sina Marikina Mayor Maridez Fernando,ABS-CBN’s Cory Vidanes at Bayan Productions ni Kat de Castro sa proyektong “Tuloy ang Buhay” after Ondoy.
Aware sila na marami ang nawalan ng bahay, hanapbuhay, pati buhay. Pag-asa ang handog nilang mga puwesto na pagne-negosyohan. Sa murang halaga at kadalasan pa’y pang-unawa ng mga nasa likod ng project ay nalilibre ang mga puwestong ito.
Ipinasyal kami ni Karen Martinez, PR ni Mayor Maridez, sa iba’t ibang booth nina Amy Perez, Uma Khouney, Al Tantay at Jason Gainza. Tiyak na darami pa ang mga ito, ‘pagka’t murang-mura ang kanilang mga paninda.
Dahil sa Trip na Trip at Swak na Swak shows ni Kat para sa Bayan Productions, tiyak na makatutulong din sila kung paano magsimulang magnegosyo kahit konti o walang puhunan halos.
“Hindi namin kasi tinapos ang aming pagtulong after Ondoy,” wika ni Kat. Marami pang dapat gawin sa Marikina na isa sa pinakaapektadong lugar sa Metro Manila. Ang mga event na tulad nito’y nagsimula after Sept. 26 at magtatapos hanggang Dec. 24th. Then, iba na namang projects. Basta tuluy-tuloy na ito.
PARA SA MGA batang nagugutom ang concern ni KC Conception sa kanyang “KC Cares, Swatch Shares” project this Christmas.
“Wala po akong kaide-ideya na marami palang nagugutom na bata sa aking paligid. Masuwerte na pala sila kapag nakakain minsan isang araw. Mayroon ding sa kanin lang at walang ulam nakakaraos.”
Animo’y nasa isang palasyo nakatira si KC at reynang maituturing ang mommy niyang si Sharon Cuneta. Sagana ang kanilang mesa, Pasko man o karaniwang araw. Nitong lumaki siya at natutong maglakbay sa iba’t ibang lugar, natuklasan niya kung ano ang pangunahing problema ng ating bansa.
“Alam po ba ninyo na kailangan lamang ng isang bata ang halagang sampung piso (P10) para makakain?” At alam din po ba ninyo na may isang batang namamatay every 6 seconds dahil sa gutom?” Maluha-luha niyang pahayag.
“I am so blessed that I wasn’t born like them. May supply pa ako kay Tita Virgie ng Swatch watches, kaya masayang-masaya ako. Akala ko, ganu’n lang talaga ang buhay ng bawa’t bata. Until I discovered what’s really happening outside my place.
“My mom has never been happier dahil sa advocacy ko tungkol sa mga bata. She allows me to promote it sa Sharon show niya every now and then. As a matter of fact, staunch supporter ko nga ang mom ko, pati staff niya. Same with Tita Virgie through her Swatch campaign. Mas marami akong matutulungan ngayon dahil 20th year ng Swatch sa ‘Pinas.
“Nalungkot nga ako minsang papiliin kung ano ang mas importante sa akin. Humanitarian work, or my life in fashion, movies, music or TV? Lagi ko namang sinasabi na bakit kailangang pumili, kung kaya ko namang gawin lahat, hand in hand. Makatutulong pa nga akong lalo kung gagawin ko lahat. Mas marami akong maso-solicit na funds.”
BULL Chit!
by Chit Ramos