KC Concepcion, ginagamit lang ni Rico Blanco?!

NAKAKALUNGKOT NAMAN ANG nangyayari kay Rico Blanco, ang dating Rivermaya lead vocalist na kasama ngayon sa teleseryeng Imortal ng ABS-CBN, at dating na-link kay KC Concepcion nu’ng hindi pa aktibo sa showbiz ang anak ni Sharon Cuneta. Kasi nga, ngayong nag-aartista na si Rico laging itinatanong ng press sa kanya ang tungkol sa dati nilang ugnayan ng anak ng Megastar. Hayan tuloy, napagbibintangan ang binata na ginagamit lang niya ang anak ni Gabby Concepcion.

Masakit kay Rico ang pagbibintang, na ngayong pumapasok na siya sa pag-aartista ay si KC ang lagi niyang binabanggit para mayroong mapag-usapan tungkol sa kanya. Pero ang totoo naman, si Rico mismo ang naiilang, na laging itinatanong sa kanya si KC. Aware kasi siya na ang maglalabasan talagang intriga ay nanggagamit siya. Hindi siya ang nagpapasimula ng paksa para mapag-usapan ang anak ng Megastar, dahil hindi talaga siya kumportable na pag-usapan iyon.

Kamakailan, sa presscon para sa Imortal ay hindi rin siya ang nagpasimula ng topic para mapag-usapan si KC. Mayroon lang reporter na tinanong siya, at sundot na pangkiliti sa tanong ng nasabing reporter ay kung nag-artista raw ba sa Kapamilya network si Rico para sundan si KC?  Siyempre, dahil hindi naman iyon ang intensiyon ni Rico, kaya umiling siya at tinanggihan ang tanong kung may gusto ba siyang “sundan” sa Dos?  Hindi madaldal si Rico, kaya nawiwindang na lang siya ngayon sa bintang na nanggagamit siya.

MARAMI ANG SUMASANG-AYON sa sinasabi ni Mother Lily Monteverde, na parang maganda ang nararamdaman niyang magiging kaganapan sa showbiz, lalo na sa paggawa ng mga pelikula sa darating na 2011. Ang isa kasing magandang senyales na nakikita ay naging masaya ang mga tao, na ang bagong mamumuno sa MTRCB ay si Mary Grace Poe, na anak nina Susan Roces at ng yumaong Fernando Poe, Jr., na siyempre pa’y talagang mahal ang movie industry, dahil bilang mga institusyon sa larangang ito, ay may puso sa uri ng tungkulin na ipinagkatiwala sa kanya ng gobyerno. Nagkamalay kasi si Poe, na pagpapahalaga ng kanyang mga magulang sa showbiz ang kanyang nadidinig at nakikita.

Marami talagang movie producers ang nakararamdam ng bagong sigla para muli silang magpakaaktibong mag-produce ng maraming pelikula sa papasok na bagong taon. Aktibo na kasi ang paggawa ng mga indie movies na magaganda talaga at napapansin sa ibang bansa. Ang Viva Films ay muli na namang bumabalik sa paggawa ng magagandang pelikula. Naka-poste na rin ang GMA Films na laging malalaking pelikula ang inihahandog sa publiko. Ang Star Cinema naman ay sunud-sunod ang mga naglalakihang proyekto, dahil halos buwan-buwan ay may ipinapalabas silang bagong pelikula.

Nariyan pa rin si Mother Lily, na sa kanyang katuwaan ay nagpaplanong magprodyus ng 24 o higit pang mga pelikula sa 2011. Lagi namang pinatutunayan ni Mother na kaya niyang tuparin ang kanyang mga sinasabi. Kapag nagustuhan kasi ni Monteverde ang tipo ng mga proyektong nakaplano niyang gawin, kesehodang sabay-sabay ay pasisimulan niya iyon.  Pero sana lang ay huwag puro simula. Nangyari na kasi dati na marami ring hindi natapos ang kanyang kumpanya, at itinambak na lang daw iyon sa bodega ng Regal Films.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleKim Chiu, nasasaktan para kay Gerald Anderson
Next articlePokwang, pinagtripan si Raymond Gutierrez

No posts to display