KC Concepcion, maganda maski walang make-up – Cristy Fermin

EWAN, PERO ALIW na aliw kaming manood ng Lovers in Paris, masama ang loob namin kapag napapalampas namin ang pagkakataong tutukan ang seryeng pinagbibidahan nina Piolo Pascual at KC Concepcion kasama si Zanjoe Marudo.

Siguro’y dahil kinaaliwan namin ang orihinal na bersiyon nito, pero mas gusto naming isipin na kasi nga ay nabibigyan ‘yun ng hustisya nina Piolo at KC, lalo na sa mga eksenang nagkukunwari silang walang gusto sa isa’t isa pero tahimik namang sumisigaw ang kanilang mga puso.

Gandang-ganda kami sa dalaga ni Sharon Cuneta sa mga eksenang walang-wala siyang kulapol ng make-up, napakaganda ng dalagang ito at meron siyang karismang kanyang-kanya lang.

Hindi na namin kailangan pang purihin ang kakisigan ni Piolo, napakagasgas nang tugtugin nu’n, ang bago ay kapag sinabi naming hindi guwapo ang pinakasikat pa ring aktor ng kanyang panahon.

[ad#post-ad-box]

May mga propesyonal din kaming kaibigan ngayon na buwisit na buwisit sa traffic, hinahabol din kasi nila ang Lovers in Paris, saka ang Dahil May Isang Ikaw nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa.

“Gandang-ganda kasi ako kay KC, kung naglilihi lang ako ngayon, ikukundisyon ko talaga ang utak ko na siya ang maging kamukha ng magiging anak ko!

“Saka alam mong mabait siya, alam mong sincere siya, gustung-gusto ko ang batang ‘yun!” tuwang-tuwa pang sabi ng aming kaibigan.

NAUUNAWAAN NAMIN ANG damdamin ng mga kapwa natin Pilipinong naninirahan ngayon sa Amerika. May resesyon ngayon sa kanila, bagsak ang kanilang ekonomiya, pero lalo pang nadagdagan ang kanilang kalungkutan nang mapanood nila sa telebisyon ang pananalanta ng magkasunod na bagyo dito sa ating bayan.

Sa CNN ay kahilera natin sa headline ang Indonesia na niyanig ng lindol, ang India na sinalanta rin ng baha, paulit-ulit na ipinakikita sa pandaigdigang network ang matinding kahirapang inaabot ng marami nating kababayan dahil sa bagyo at baha.

Sabi ng pamangkin naming si Rene de Leon na nagtatrabaho sa Stanford Hospital bilang nurse, kahit sa pagkikita-kita nilang magkakababayan sa duty ay ang kalunos-lunos na resulta ng kalamidad ang kanilang pinag-uusapan, laganap ang lungkot ng mga kababayan natin sa lahat ng panig ng mundo.

Napapanood din nila sa TFC ang pamamahagi ng relief goods ng mga artista ng ABS-CBN, natutuwa sila sa pakikipagbayanihan ng mga artista, talagang nagbibigay sila ng oras para sa pagtulong sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo at baha.

Sa ilang website daw na tinututukan nila ay marami silang nababasang patutsada sa mga artistang tumutulong, pakitang-tao lang daw ang kanilang ginagawa, ikinalulungkot din ng mga kababayan natin ang ganu’ng paghusga.

Sabi nga ng aming pamangking si Rene (maligayang bati sa inyo ni Roma sa pagdating ni Zian sa inyong buhay, mga anak!), anuman ang totoong dahilan ng pag-iikot ng mga artista, pakitang-tao man ‘yun o sinsero ay ang resulta na lang ng aksiyon ang ating pahalagahan.

Sabihin na nating pakitang-tao lang ‘yun, sa kanilang pagpapakitang-tao ay ilang sikmura ang nalalamnan. Sabihin na nating gusto lang nilang umeksena, sa kanilang pag-eksena ay ilang buhay ang nasasagip sa pagkagutom at pagkakasakit.

Sabihin na nating pagpapalapad lang ‘yun ng papel para sa personal nilang interes, sa ginagawa nilang pagpapalapad ng papel ay maraming kababayan nating pinapanawan na ng pag-asa ang nabibigyan ng lakas ng loob.

Sabihin na nating maaarte ang ibang artistang nagkakawanggawa, sa kanilang pag-iinarte ay maraming kababayan nating lugmok sa problema ngayon ang nalilibang-naaaliw sa kanilang kaartehan.

Ito ang panahon kung saan kailangan nating itapon ang mga katwiran at dahilan dahil ang pinakamahalaga ay ang positibong resulta ng kanilang mga ginagawa—pakitang-tao man ‘yun o mula talaga sa kanilang puso.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleParazzi Chikka: Kapamilya at Kapuso, pinansin nang galing sa International Emmy’s!
Next articleFacebuking: Jade Lopez

No posts to display