NANIBAGO TALAGA kami sa maikling buhok ni KC Concepcion. Actually, lahat ay nagulat nang bumungad siya sa studio ng ABS-CBN kung saan umeere nang live ang The Buzz last Sunday. Kasabay ng kanyang pamamaalam bilang isa sa mga co-host ni Boy Abunda sa naturang programa, isang panibagong simula raw ang kinakaharap niya.
Sabi nga niya kaugnay ng pagpapaikli niya ng kanyang buhok, “Ang tawag ko nga d’yan… feelings. Ang tawag ko sa pagpapagupit ng buhok ko… emotions. Sabi nila kapag babae raw, may pinagdaanan ke maganda o hindi, basta life-changing, ang una-unang pinababago… buhok.”
Nang magpunta raw siya sa salon kung saan siya laging nagpapaayos, wala raw sa plano niya na ipagupit na maikli ang kanyang buhok.
“I wasn’t there for my hair. I was there for… nails. And then bigla na lang akong nagtanong (sa nag-aayos sa kanya)… can you do something?”
Nasa point daw siya ngayon na maraming pagbabago ang nagsisimulang mangyari hindi lang sa kanyang career kundi pati sa kanyang personal life.
“I am just excited for the changes that are happening. May bago akong show, ang X Factor (isang talent search). Maraming mangyayari.”
Usap-usapang bahagi ng pagbabago sa direksiyon ng kanyang career is a sexier KC Concepcion daw this time. Nangiti nga siya nang matanong about this.
“Sexiness? I don’t know. Depende ‘yan kung gaano ako puwedeng magpapayat. Siyempre kung pipikit naman kayo, ayoko nang gawin iyon, ‘di ba?” natawang biro pa niya.
Kapansin-pansin na fresh ang aura ni KC. Malaking tulong daw ‘yong pagkakaroon ng chance nila ng kanyang pamilya na makapagbakasyon nitong nakaraang holiday season.
“We went to Japan. We went to Hong-Kong. It was a bonding moment for us. I get so emotional kapag marami akong pinagdadaanan at nandiyan lang lahat ng mga taong nagmamahal sa akin.”
Siyempre, hindi maiwasang matanong din si KC tungkol sa lagay ng puso niya ngayon, ilang buwan matapos ang break-up nila ni Piolo Pascual. Nasaktan siyang masyado sa nangyari. At alam ng lahat iyon.
“Okey. Okey naman,” ma-tipid niyang pahayag.
Obviously, ang gusto ngang pagtuunan ng pansin ni KC ngayon ay ang mga pagbabagong nangyayari sa kanyang buhay at career.
“I’m very excited for 2012. I’m really excited for… the new me. Sa lahat ng mga napagdaanan natin, merong parang bagong leap, bagong chapter na talagang tinu-turn over. At naniniwala ako talaga na lahat may dahilan.”
Sa mga nangyari sa buhay niya, she has lessons learned. Aniya nga… “You should never allow anyone to step on you. You should not let anyone think less of you. And that… bilang babae, meron kang strength na hindi mo alam o hindi mo malalaman agad-agad na meron ka. Pero meron ka no’n.”
Labis daw talaga ang excitement niya for X Factor. It’s a very big show daw sa United Kingdom at maging sa U.S. na ngayon nga ay nakuha ng ABS-CBN ang franchise.
“Napakalaking bagay na ibinigay sa akin ang X Factor talaga. Hindi pa lang puwedeng sabihin pero ‘yong mga makakasama ko roon, first time kong makakasama sa telebisyon.
“At isa na naman itong singing competition na talagang tagisan ng galing. At ito ay isang nationwide search. Maghahanap kami ng mga contestants from Bacolod, Cebu . Olongapo, Davao … ay naku, buong Pilipinas talaga, pupuntahan namin.”
Pagkatapos ng X Factor, hindi na raw babalik sa The Buzz si KC. Sabi nga ng isang close sa kanya… pag-iwas na rin daw ni KC na maging sentro pa siya ng mga intriga at kontrobersiya. Siyempre nga naman daw, kung host siya ng isang showbiz talk show, hindi pupuwedeng hindi rin siya magiging open sa pagsasalita sa anumang issue about her.
Oo nga naman!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan