Hindi mo matatawaran ang dedikasyon ni KC Concepcion sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy lalo na sa Metro Manila. Simula pa noong isang linggo ay wala nang patid sa kakokolekta ng mga relief goods si KC kasama ang kanyang mga kaibigan at rumoronda sa iba’t ibang lugar na naapektuhan ng matinding baha.
Sa Cainta Rizal, sa Marikina, hanggang sa Pateros ay patuloy ang paglilibot ni KC. Wala man siyang malawak na network para manghikayat ng volunteers at mga relief goods na puwedeng maipamigay ay ginamit niya ang internet para maipakalat ang balita at anunsyo. Pagkatapos ng kanyang taping for Lovers in Paris ay dumidiretso agad si KC sa kanilang clubhouse sa WackWack at doon tinitipon niya kasama ang napakarami pang volunteers ang mga relief goods na pinapadala ng kanilang mga kaibigan, sponsors at donors mula sa iba’t ibang lugar sa Manila.
Kami mismo ay naging saksi sa kanilang naging relief operation sa Barangay Sta. Ana sa Pateros kung saan ang mga kabahayan ay lubog pa rin sa baha. Ang inihandang relief good packs nila KC ay 1,030 lang pero sa aming obserbasyon, mahigit kumulang 2,000 individual ang napamahagian ng mga relief goods. Kasama na rito ang bigas, de lata, noodles at sabong panlaba. May mga sandwiches at ready-to-eat meals din silang dinala na pinamigay sa mga taong hindi na naabutan ang mga relief goods. Mahigit kumulang apat na oras din ang tinagal ng kanilang pamimigay pero ayon na rin kay KC, “Sulit naman talaga yung pagod mo lalo na kapag nakikita mo yung mga ngiti nila pag inaabot mo na yung mga relief goods. Saka very appreciative ang mga Pinoy talaga, marunong silang mag-thank you.”
At hindi pa diyan tumigil si KC. Nitong Biyernes ng gabi ay tumungo ang aktres sa NAIA Cargo Terminal para personal na salubungin ang 35 tons of vitamin-fortified biscuits na padala ng WFP o ng UN World Food Programme mula sa Dubai. Ang naturang mga biskuwit ay may espesyal na ingredient para sa mga malnourished na bata. “Hindi ito yung mga ordinary na biscuit na nabibili niyo sa mga groceries. Meron siyang vitamins and minerals para sa mga bata lalo na sa mga malnourished.” paliwanag ni KC. At as of presstime, malamang nakarating na rin ang mga generators and rubber boats na pinadala din ng UN para sa pagtulong sa pagbangon at pag-aayos ng mga ospital at komunidad.
Panawagan ni KC, “Malungkot na may nangyaring kalamidad dito sa atin, pero sana araw-araw ganito ka-inspiring ang mga ginagawa ng mga tao. Nagtutulungan lahat. Nagdadamayan.”
Sa ibang usapan, umarangkada na ang Lovers in Paris kung saan gumanap si KC bilang Vivian at naaaliw talaga kami nang husto. Romantic comedy at very light lang kasi ang Lovers in Paris at ito ‘yung tipong panonoorin mo para maaliw, matawa at ma-relax ka lang. Hindi mabigat ang drama at punung-puno ng romance! Watch kayo, try n’yo!