SA LUNES NA, ang pagsisimula ng pinakaaabangang teleserye ng TV5, ang P.S. I Love You, na pinagbibidahan nina Gabby Concepcion, Dina Bonnevie, Candy Pangilinan, Say Alonzo, Cogie Domingo, AJ Muhlach, Kean Cipriano at Alex Gonzaga. Engrande ang naging presscon nito noong Miyerkules ng gabi sa may Ortigas. Present ang lahat ng cast at talaga namang excited na ang lahat sa pilot episode.
At sa huli naming pakikipag-usap kay Kean bago pa ang presscon, muli naming siyang tinanong tungkol sa patuloy pa ring pag-uugnay ng pangalan niya kay Vice Ganda. Diumano ay ginagamit lang daw niya si Vice dahil sikat ito. Dito parang nainis si Kean at sagot niya, “That’s bullshit, I’m sorry for the word pero kalokohan ‘yun, dahil ako ‘yung taong palakaibigan, pero ako, nirerespeto ko ‘yung taong nakakasama ko sa buong career ko sa buong buhay ko, never akong nangtapak ng tao, never akong nanggamit ng kung sino man.”
Ayan ha? Maliwanag, mga dear readers, may sarili nang pangalan si Kean sa industriya at hindi na niya kailangan pang manggamit dahil aminin na natin, sikat ang kanyang bandang Callalily kung saan siya ang bokalista. ‘Yun na!!!!
MEDYO TAHIMIK NA ang isyu tungkol kay Anne Curtis at ang diumano’y naunsiyaming pag-perform niya sa USTv Awards kick-off ceremony. Nakapagbigay na ng statement ang lahat ng panig kaya siguro ay nagkaroon na ng pagkakaintindihan what really went wrong. At nang minsan ay nakausap namin si Anne, positive nga siyang matapos na ito.
Masaya rin siya at natuloy rin ang kanyang performance sa concert ni Martin Nievera at Side A band noong nakaraang linggo.
May mga gusto pa kaya siyang ma-achieve pagdating sa kanyang singing career? O maka-duet na singer in the future? Nag-isip muna si Anne bago niya kami sinagot ng, “Si Regine Velasquez! Talagang leveling, ‘noh?! Hahaha! Hindi… kahit sino, kahit sino na puwede.”
Mag-concert na kaya siya sa Smart Araneta soon? Sagot niya, “Ay wala naman sa akin ‘yung desisyon na ‘yun, pero hindi naman masama to dream, hahaha! To dream talaga.”
Pero dugtong pa niya, “Kahit sa mga maliiit na venue na lang, masaya na ako.”
NAKAUSAP NAMIN SI Mr. Fu noong Wednesday rin. Nakasabay namin siya sa elevator pa-punta sa presscon ng P.S. I Love You. Kinongratulate ko siya sa maraming blessings na dumating sa kanya. Smile lang siya at sabi niya, “Oo nga, naki-level na talaga ako sa mga sikat. Imagine, pagdating sa endorsement, ako na ang nakikipagsabayan.”
“Sa isang paracetamol brand, si John Lloyd ang endorser, sa bago namang paracetamol brand na Saridon, ako naman ang endorser. O ‘di ba, the leveling?! Imagine, John Lloyd, tapos Mr. Fu na. Hahaha! ‘Yun na ‘teh.”
Para kaming mga tanga na tumawa nang malakas sa elevator dahil sa mga jokes ni Mr. Fu.
DUMALO KAMI SA pictorial ng Yesterday, Today and Tomorrow noong Wednesday at dito ay nakausap namin si Jericho Rosales. Kuwento pa niya, excited siya sa nasabing pelikula na MMFF entry ng Regal dahil super star-studded ito. At na-miss din daw niya talaga ang pagdrama sa pelikula.
Matagal tagal na rin siyang hindi nakagawa ng ganitong klaseng pelikula. Kaya wish namin ay muling magwagi si Echo ng Best Actor award, dahil para sa amin, isa siya sa pinakamagaling na aktor ng kanyang panahon. Good luck Echo!
Sure na ‘to
By Arniel Serato