NGAYON LANG ulit nakagawa ng pelikula si Keempee de Leon after more than a decade. Kasama siya sa pelikulang Mahal Kita Beksman ng Viva Films at Idea First na pinagbibidahan ni Christian Bables.
“Basically wala naman talagang offer,” pag-amin ng aktor. “And kumbaga, medyo nag-lie low din ang movie industry natin dahil mas nag-conentrate lahat sa TV, so most of the time na ginagawa ko puro soap, eh.
“Ngayon nga lang may nag-offer sa akin kaya it’s a big blessing for me,” ani Keempee.
Dalawa sa malalaking teleserye ng ABS-CBN ang pinagkaabalahan ni Keempee habang hindi siya aktibo sa pelikula. Ito ay ang Nang Ngumiti ang Langit noong 2018 at Bagong Umaga nong 2020.
Huling pelikula naman na nilabasan ni Keempee ay ang Iskul Bukol 20 Years After: The Ungasis and Escaleras Adventure noong 2012.
Parloristang ama ni Christian ang role ni Keempee sa Mahal Kita Beksman na si Perci Intalan ang nagdirek.
“Masaya ako na nabigyan ulit ako ng break mag-portray ng gay role sa movie at ini-enjoy ko talaga yung character na gay role, eh. Kasi mas light siya, nalalaro mo yung characters.
“Hindi katulad sa drama, siyempre more on emotions, so medyo nade-drain ako kaya nag-enjoy talaga ako dito. Hopefully, sana this would be the start and sana meron pang mga susunod.”
Si Keempee ay may anak na babae na edad 25 kaya naging madali daw para sa kanya na gumanap na tatay ni Christian sa Mahal Kita Beksman.
“May daughter na po ako na 25 years old so I guess hindi na malayo yon sa age ni Christian. Yung anak ko nga, parang barkada ko na lang.
“So, hindi na malayo kapag nagkakaroon ako ng mga anak na 20-plus up,” sey pa niya.
Mapapanood ang Mahal Kita Beksman sa mga sinehan sa Nov. 16. Ito ay mula sa direksyon at script ni Perci Intalan.