MARAMI ang na-curious sa cryptic posts ng aktor na si Kempee De Leon na mababasa sa kanyang personal Facebook page.
Noong June 11 nag-umpisa ang mga patama ng aktor tungkol sa mga taong ‘walang paki’ sa kanyang kalagayan at may mga iskekyulasyon ang mga netizens kung para kanina ang mga patama na iyon.
“WALA NA ISIP KO LANG NARAMDAMAN AT NAPATUNAYAN: Mula nung nag-umpisa ang pandemia hanggang ngayon. Wala na palang ibang tutulong sayo kung di ang Diyos, Sarili Mo, Ibang tao at iilan na tunay mong kaibigan,” panimula ni Kempee.
“At kung sino pa ang inaasahan mo…. sya/sila pa ang dedma at walang paki sayo kasi safe sila and they have everything in life!”
Ayon kay Keempee, ni hindi man lang daw siya kinakamusta sa kalagayan niya.
“Ngayon ko lang napatunayan na kanya-kanya na pala talaga ngayon. Wala ng paki sayo. At least alam ko na talaga ngayon. So be it,” dagdag pa ni Kempee.
Maliban sa kanyang patama ay isiningit pa niya ang hashtags na “#SurviveOnYourOwn” at “#SurvivalMode”.
Noong June 15 naman ay muli itong nagparinig na patungkol naman sa mga tao na nakakaalala lamang kung may okasyon.
“Patawarin ako ng Diyos. Minsan lang ako magsalita pero sorry! Tama na! Nakakapagod at sawa na manahimik. Kitang kita naman sa ugali at pagkatao. Wag na mapagpanggap!” sabi ni Kempee sa ikalawang cryptic post.
“Dedmahan na lang since ganyan naman gawain nyo natitiis nyo ang tao. Makakaalala lang kayo kung may okasyon???? Pero kalagayan ng tao di nyo naaalala kung ano na etc???? Talaga ba?!?!
“Salamat na lang, at masaya naman buhay nyo kita naman. Pasalamat na lang kayo lahat na sa inyo na wala kayong pinoproblema at inaalala sa araw araw. God bless na lang. Diyos na bahala sa akin wala ng iba,” saad ni Keempee na this time ay may kalakip na hashtags na #RealTalkLAng at #JustBeingREAL.
Sumang-ayon naman ang komedyante na si Ariel Villasanta, na pinsan ng kanyang ama na si Joey de Leon.
“Sobrang tama yang observation mo! Kung sino yung inaasahan mo na tutulong sayo, dedma! Grabe, nakakabilib ang tigas ng kalooban. Walang konsyensya.”
“Parang hindi pamilya. Basta ang importante, maginhawa sila. Paki nila sa atin! Tapos, yung ibang kaibigan mo, imbes na sumuporta morally, kahit hindi nasa pera eh puro kritisismo pa.” pag-sang-ayon pa ni Ariel.
“Eh puede pa bang ibalik ang nakaraan? Hindi nakakatulong yun. Lalo lang nakaka-down yun kaya ang masasabi ko lang Kimps, ang Panginoon lang ang ang tutulong sa atin. Siya ang gagawa paraan kaya parati lang tayong makipag-usap sa Kanya,” payo pa ng tiyuhin ni Kempee.
“Kung ano man ang nakikita nyo na post tanggapin nyo ang katotohanan, hindi puedeng puro image tayo dito. Ang importante, isipin nyo rin yung mga damdamin ng kapamilya nyo. Yung mga nagsasabi na ‘I hope ur ok,’ hallller hindi nga ok di ba? Row 4!”
Kahit na walang pangalan na binanggit sina Keempee at Ariel ay may mga ispekulasyon ang mga tao kung sino ang pinariringgan nito. Nakakabulaga ba?