DALAWANG TAON pong sumakay ng barko ang asawa kong seaman. Bago siya sumakay, sumailalim siya sa medical examination at malusog naman po ang kanyang pangangatawan. Pag-uwi niya rito at pagkatapos ng kanyang kontrata, ilang buwan lamang at siya ay nagkasakit at namatay. Sinubukan naming habulin ang kanyang employer para sa aming claim pero ang sabi ng employer ay wala silang pananagutan dahil hindi raw pumailalim sa post-employment medcial examination ang aking asawa. ‘Yun po ‘yung exam na dapat n’ya raw isinagawa pagbaba niya ng barko. Pero naniniwala kami na sa trabaho nakuha ang kanyang sakit dahil malusog naman siyang umalis at malamang nakuha niya ang kanyang sakit mula sa kanyang trabaho. May laban po ba ako kapag nagsampa ako ng kaso? — Marlene ng Novaliches
MAHALAGANG MALAMAN ang sanhi ng pagkamatay ng asawa mo. Ang dapat itanong ay ito: May kinalaman ba sa trabaho ang kanyang pagkamatay? Ang kanya bang sakit ay nakuha niya sa kanyang trabaho o napalala ba ng trabaho niya ang dati na niyang sakit?
Kung totoong sumampa siya ng barko nang walang sakit, may posibilidad na nakuha niya ang kanyang sakit habang siya ay nagtatrabaho. Ito ang sakit na tinatawag na work-related. At sa ilalim ng batas na umiiral, ipinagpapalagay na ang sakit ay nakuha sa trabaho kung sumapit ito sa OFW habang hindi pa tapos ang kontrata.
Ngunit ayon na rin mismo sa iyo, natapos na ang kanyang kontrata at nandito na siya nang siya ay magkasakit at mamatay. Ang presumption na ang sakit niya ay work-related ay hindi na applicable. Posible kasi na nadampot niya ang kanyang sakit dito na sa Pilipinas matapos na siya ay makabalik dito.
Pero puwede ka pa ring magbigay ng mga ebidensiya na nagpapatunay na sa barko o sa trabaho niya nakuha ang sakit. At ang pinakamatibay na ebidensya na maaari mong iprisinta ay ang resulta ng post-employment medical exam. Pero hindi niya ito isinagawa. Kaya medyo mabigat ang inyong problema. Kailangan kasing may pagbasehan para sabihing work-related ang kanyang sakit. Kailangan mo pang maghanap ng iba pang mapagkukunan ng ebidensiya.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo