RECORDING artist na rin si Kapuso star na si Kelvin Miranda na bumida sa Loving Miss Bridgette ng GMA-7 kapartner si Beauty Gonzalez. Lumabas na ang bago niyang single entitled Slow Dance.
Ayon sa promising young actor, inspired sa prom ang kanyang debut song na tamang-tama sa mga kabataan ngayon na never naka-experience ng Junior and Senior Prom because of the pandemic.
Inamin din ni Kelvin na kahit siya pala mismo ay never ding naka-experience na maka-attend sa prom night nila during his high school years. Pero choice naman daw niya kung bakit hindi siya um-attend.
“Sa totoo lang talaga, hindi talaga ako pumunta sa prom. Hindi ako talaga pumunta sa prom kasi parang… hindi naman sa pag-aano po pero doon po kasi sa school namin kilala po ako since first year, maraming estudyanteng nakakakilala sa akin, marami din po akong mga kaibigan pati yung mga teachers gusto nilang pumunta ako kasi gusto nila ako gawing prom king… ganyan,” natatawang pagbabalik-tanaw ni Kelvin.
Bukod sa hindi raw bet ni Kelvinna maging attention getter ay wala rin daw siyang budget na pambili ng kanyang isusuot.
“Ayaw ko po ng titulo noon, eh. Ayaw ko talaga siya mapuntahan. Bukod sa kinakabahan ako, ayoko ring mapag-usapan before.
“Ako, hindi po ako pumunta, and at the same time, wala rin po akong pambili ng susuotin ko. Wala akong pang-arkila. Ayoko na pong istorbohin o gambalin ang magulang ko para doon sa susuotin ko,” kuwento pa ng guwapong aktor.
Hindi naman daw niya totally na-miss ang naturang affair dahil nagpunta naman siya sa party ng isang classmate after ng prom night.
Ani Kelvin, “So, nag-abang na lang po ako sa labas ng school sa mga kaklase ko. ‘Antayin ko kayo dito sa labas. Celebrate na lang tayo sa mga bahay-bahay.’ Ganu’n na lang po.”
Nung kanyang senior year sa high school ay hindi rin daw siya sumipot sa Prom.
“Kahit nung fourth year, hindi rin po ako um-attend. Wala lang. Okey lang po. Parang ganu’n. Dati po talaga, hindi ko gustong maging sikat. Gusto ko sobrang simple lang,” wika niya.
“Ayoko pong nasa akin ang atensyon noon. Kahit ngayon din naman po. Nahihiya din po kasi ako. Hindi ko alam kung paano ako magre-react, kung anong response yung mangyayari. Sa akin, instead na mapag-usapan ako, gusto ko na lang maging tahimik,” paliwanag pa ni Kelvin.
Pagdating naman sa kanyang single, ayon sa binata may malalim daw na kahulugan ang kanta para sa kanya.
“Yung perspective ko du’n sa song is nage-generalize ko kasi lahat, eh, nung time na yon na parang hindi lang siya for special someone.Lagi ko naman sinasabi na slow down. Ang dating sa akin is take it easy, take time.
“Hopeful yung song at isa rin yon sa mga nagustuhan ko. And inaalay ko naman siya sa mga fans ko, sa mga tagasuporta ko,” huling pahayag ni Kelvin.
Available na for streaming ang Slow Dance ni Kelvin under GMA Music on Spotify, YouTube Music, Apple Music, and other digital stores worldwide.