MALAKI ang naging impact kay Kelvin Miranda na maging isa sa mga bida sa critically-acclaimed movie ni Direk Mikhail Red na Dead Kids na naging first-ever Filipino film din na naipalabas sa Netflix. Ang Dead Kids ay pinagbibidahan din nina Khalil Ramos, Vance Larena, Markus Paterson at Sue Ramirez.
Sa naturang pelikula ay napansin ang acting skills ni Kelvin na gumaganap bilang si Mark Sta. Maria na parang walang muwang, mababa ang estado sa buhay at palaging binu-bully.
“Ang naging epekto siguro nito sa akin, eh, nagkaroon ng tiwala sa akin yung mga taong hindi naniniwala sa akin noon. Mas nagkaroon ako ng oportunidad sa larangan ng pelikula at telebisyon.
“Kahit papaano, naramdaman ko na rin yung respeto mula sa ibang artista na hindi ako ganun katanggap dati. Totoo po yon, pero masaya ako na nakamtam ko na yon at laking pasasalamat ko at kung ano yung nabago sa akin ay pahahalagahan ko nang sobra,” kuwento ni Kelvin sa aming exclusive interview.
Idinagdag din ng binata na hindi niya inaasahang pupurihin ng kritiko ang performance niya sa pelikula.
Aniya, “Para sa akin, medyo nag-hope din po ako talaga na mapapansin ang performance ko sa movie, kasi ito po talaga yung kauna-unahang pelikula ko na mabigat talaga yung role ko, hindi pa naman kasi ako sanay na magbida talaga, eh.
“Sobrang kabado ako nung una, kung ano ang magiging pagtanggap ng director, ng mga co-actors ko, at lalo na ng mga tao sa ginawa ko dahil sila ang makakapanood ng pelikula, buti na lang, maganda talaga yung naging outcome.”
Hindi ba siya nanghihinayang na pagkatapos ng Dead Kids ay hindi kaagad ito nasundan ng panibagong pelikula na muling magpapakita ng husay niya bilang aktor?
“Sa totoo lang po, nung natapos yung Dead Kids, masyado na po akong nalimitihan dahil sa comparison nila about sa role ko sa Dead Kids. Siguro yung iba nahihiyang mag-offer ng mas maliit na role. Pero hindi naman po kasi ako namimili ng role. Kung anong ibinigay na project ng management team ko ginagawa ko lang po,” katwiran niya.
Si Kelvin ay mina-manage ni Tyrrone Escalante na manager din ng bagong Darna ng pelikulang lokal na si Jane de Leon.