SA SABADO, March 21, 11:30 am, magsisimula nang umere ang bagong travel show sa GMA News TV 11 na Touchdown. Ang bagong Kapuso actor na si Ken Alfonso ang host nito.
“Wala naman po, actually, akong formal preparation bago kami nagsimulang mag-taping,” sabi niya nang makausap namin kamakailan sa sa Chef’s Noodles sa basement ng Robinson’s Magnolia sa Aurora Boulevard, Quezon City.
“Pero before po kasi, nagkaroon na rin ako ng hosting stints sa mga corporate events at sa mga out of town shows din. So, ‘yon lang bale ang masasabi kong parang naging training ground ko. And well, kasama na rin po ‘yong mga research din. Para kahit konti ay may karagdagang idea ka. Sobrang happy po ako na magkaroon ng sarili kong travel show for the first time ever. Plus dream ko rin talagang magkaroon ng isang travel show, e.”
Sa first and second episode ng nabanggit na travel show, si Ms. Universe 2013 3rd runner-up Ariella Arrida ang kanyang guest co-host. Magkasama sila sa pagpi-feature ng ilang paboritong pasyalan sa Hong kong at maging ng luxury cruise ship na Star Cruise. “Four days and three nights po kami roon. At talagang nag-enjoy kami ni Ara (nickname ni Ariella).”
Mukhang bagay naman nga sila ni Ariella. Pareho silang talent ng Mercator ni Jonas Gaffud kaya hindi nakapagtataka kung close man sila.
Ano ang mga bagong na-discover niya rito sa apat na araw na pagsasama nila sa Hongkong?
“Si Ara, malakas pala siyang kumain ng kanin!” sabay tawa ni Ken. “Ang payat niya pero Magana siyang kumain. At saka mahilig siya sa mani.”
Pareho silang loveless, wala ibang katiting na romantic angle na nabuo habang nasa Hong Kong sila?
“Wala naman po,” nangiting sabi ng actor-TV host. “Siguro ngayon, medyo ano pa lang kami… nagpu-focus muna kami sa mga careers namin. Tapos si Ara, makikita n’yo naman sa mga posts niya na ang hilig niya talaga sa ngayon ay mag-travel nang mag-travel. Sabi nga niya sa akin, while you’re young, habang you’re able pa to go on vacation just travel and travel lang. Kaya nga natutuwa ako na magkaroon ng travel show. Now I get to travel for free and at the same time nakakapagtrabaho rin.”
Bukod sa Hong Kong, may mga episodes din daw ng Touchdown na kinunan nila sa Japan, at sa ilang bahagi ng Europe gaya ng Germany, France, London, Switzerland, and Northern Ireland. Si Pia Wurtzbach ang guest co-host ko sa Japan. Tapos si Venus Raj naman do’n sa Europe.”
Nag-taping daw sila no’ng Japan episode ng Touchdown bago sumali si Pia sa Bb. Pilipinas at nanalong Bb. Pilipinas-Universe.
“Nakaka-proud na nakasama ko siya. Na pagkatapos ko siyang maging guest co-host ay beauty queen na siya ngayon. So, I’m happy for her.”
Mga beauty queens ang mga nagiging ka-close niya. Hindi malayong sa isang beauty queen nga siya ma-inlove one of these days. “May posibilidad nga po siguro. Wala naman pong ano… tingnan natin.”
Sino ba kina Ariella, Venus, at Pia, ang talaga pinaka-close sa kanya ngayon?
“Si Ara (Ariella) po. Kasi kalog na kalog siya, e. Nasasakyan niya ang jokes ko. Nasasakyan ko ang jokes niya. At saka siya rin po kasi ang pinakamadalas kong nakasasama lately. May mga events at hosting jobs na nagkasasama kami at saka pati sa mga out of town shows.”
Si Ariella din naging segment host ng Bb. Pilipinas kasama sina Venus Raj at Shamcey Supsup ay umaani ng pintas sa naging paraan ng paghu-host nito na bakyang-bakya raw at walang ka-class-class.
“Si Ara naman po, natural lang sa kanya ‘yon. Kumbaga, gano’n siyang tao at nagpapakatotoo lang siya. And kung anuman ang sabihin ng ibang tao as long as hindi naman totoo at alam niya sa sarili niya kung tama ang ginagawa niya, well, okey naman po ‘yon, e. Like si Ara, nag-sorry naman siya sa Twitter niya,” panghuling nasabi ni Ken.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan